MAY kamahalan ang magiging toll fee sa Skyway Stage 3 subalit hindi dapat itong ikabahala ng mga motorista.
Ito ang binigyang-diin ni Toll Regulatory Board (TRB) Spokesperson Julius Corpuz sa panayam ng Sonshine Radio.
“Huwag po tayong mag-alala no, sa lahat ng ating mga motorista sapagkat patuloy naman po ang ating pagsusuri nitong mga toll fees. Sa darating na panahon habang ito’y ginagamit, makikita naman po natin kung tama ba talaga o sa atin pong mandato kung talagang nakikita naman natin na hindi na angkop ‘yung toll fee na kanilang sinisingil, then ang atin pong tanggapan ay gagawa naman po ng aksyon,” ani Corpuz.
Mababatid na simula Hulyo a- dose, maniningil na ang San Miguel Corporation (SMC) ng bayad para sa naturang 18 kilometer Skyway Stage 3 project matapos ang pitong buwan na pagbubukas at pagpapadaan nang libre.
Nilinaw naman ng SMC na ang toll fee ay gagamitin ng kumpanya para sa epektibong operasyon, maintenance at safe driving conditions sa nasabing skyway.
Sa lahat ng motorista na babagtas sa skyway simula Buendia hanggang Balintawak, 264 pesos ang magiging kabuuang toll fee.
Tiniyak naman ng SMC na maglalagay sila ng toll fee list sa lahat ng toll plazas ilang araw bago ang Hulyo a-dose.