Maynila, bumili ng 800K doses ng COVID-19 vaccine sa AstraZeneca

LUMAGDA na ng kasunduan ang local government ng Maynila sa British-Swedish company AstraZeneca para sa pagbili ng 800,000 doses ng COVID-19 vaccine.

Sa isang pahayag, inanunsyo ng Manila City Public Information Office ang pagpasok ng lungsod sa tripartite agreement sa multinational company at sa National Task Force against COVID-19 (NTF).

Ang 800,000 doses ay sapat para mabakunahan ang 400,000 katao.

Una nang sinabi ni Mayor Isko Moreno sa kanyang mga talumpati na unang mababakunahan ang mga medical frontliners, essential workers at mga matatanda.

Nagbukas din ang lungsod ng isang pre-registration online portal upang matukoy ang mga nais magpabakuna at iprayoridad ang dapat unang makakuha ng vaccine.

Magtatayo ng storage facility para sa mga bibilhing bakuna

Magtatayo ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng storage facility para sa mga bibilhing bakuna kontra COVID-19.

Ito ang inanunsyo ni Mayor Isko Moreno sa isinagawang flag ceremony sa Manila City Hall ngayong umaga.

Sinabi ni Moreno na itatayo ang storage facility sa Sta. Ana Hospital.

Lumagda na rin ang alkalde ng mga dokumento para sa pagbili ng COVID-19 vaccine storage equipment.

Kabilang dito ang 12 refrigeration units na may iba’t ibang temperature capacity at 50 units ng transport cooler na inaasahang darating sa mga susunod na buwan.

Pasig City, nag-order ng 400K doses ng COVID-19 vaccine sa AstraZeneca

Naglagda na rin ang Local Government Units (LGU) ng Pasig City ng tripartite agreement sa UK vaccine maker AstraZeneca at national government.

Ito ang inanunsyo ni Mayor Vico Sotto sa kanyang Twitter post.

Ayon kay Sotto, nag-order ang Pasig ng 400,000 doses ng COVID-19 vaccine na nagkakahalaga ng P100 milyon.

Depende naman aniya sa ilang factor ang actual quantity at petsa ng delivery.

Sinabi rin ng alkalde na bibili rin sila ng bakuna kontra COVID-19 sa iba pang kompanya kapag may oportunidad.

Bukod sa Pasig, marami na ring LGU ang naglagda rin ng kasunduan sa AstraZeneca na isa sa nag-apply ng emergency use authorization (EUA) sa Food and Drug Administration.

Makati City, bumili na rin ng AstraZeneca COVID-19 vaccine

Kumuha na rin ang Makati City government ng isang milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine.

Ito ang inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay sa kanyang Twitter post.

Ayon kay Binay, ang bakuna ay para sa lahat ng residente at non-dresident property at business owners ng lungsod.

Isinasapinal naman aniya ng city government ang kasunduan sa iba pang vaccine manufacturers.

Kaugnay nito, sinabi ni Binay na maglulunsad ang Makati ng information campaign kasama ang mga medical experts sa infectious diseases at vaccination upang matiyak na masasagot ang lahat ng pangamba, concern at mga tanong sa COVID-19 vaccine.

Ilan pang LGU, naglagda na rin ng tripartite agreement sa AstraZeneca

Ilan pang local government units ang lumagda ng kasunduan sa British-Swedish company AstraZeneca para pagbili ng COVID-19 vaccine.

Kabilang sa pumasok sa tripartite agreement sa multinational company at National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang Baguio City.

Ang pagbili ng COVID-19 vaccine doses ay para sa 190,000 residente ng lungsod katumbas ng 70 percent ng kanilang populasyon.

Ibinahagi rin ni Ormoc City Mayor Richard Gomez sa kanyang Facebook post ang pagpirma niya ng kasunduan sa AstraZeneca para makakuha ng 270,000 doses ng COVID-19 vaccine.

Inaasahang maide-deliver ang mga bakuna sa Ormoc simula July 2021.

Lumagda rin ang Iloilo city government ng tripartite agreement para sa advance purchase ng mga bakuna.

Navotas, bumili ng 100K doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine

Pumirma na ang navotas city government ng kasunduan sa british pharmaceutical firm astrazeneca para sa pagbili ng 100,000 doses ng covid-19 vaccines.

Sa Facebook post, sinabi ni Navotas Mayor Toby Tiangco na 50,000 residente ang unang mabibigyan ng bakuna kung saan dalawang beses makatatanggap nito ang bawat indibidwal.

Inaasahan naman aniyang darating ang bakuna sa ikalawang bahagi ng taong 2021.

Una nang sinabi ni Tiangco na naglaan ang city government ng P20 milyon para sa kanilang COVID-19 vaccination program.

SMNI NEWS