Maynila, nakapagtala ng 5 nasawi dahil sa pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina

Maynila, nakapagtala ng 5 nasawi dahil sa pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina

IKINASAWI ng 5 indibidwal sa Maynila ang walang-humpay na ulan at pagbaha dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat nitong nakalipas na mga araw.

Ayon kay Manila Public Information Office Head at Spokesperson Atty. Princess Abante, nasawi ang mga ito dahil sa kuryente at pagkalunod.

“Apat na electrocution, ‘yong isa kasi unverified pa as of this morning, ‘yong isa ay drowning. So, 5 siya pero ‘yong isang electrocution hindi pa namin alam ‘yong circumstances, nai-report lang,” ayon kay Atty. Princes Abante, Spokesperson, Manila LGU.

Wala namang naitalang nasugatan.

Mga pangunahing kalsada sa Maynila, passable na; pamimigay ng ayuda sa mga pinakaapektadong pamilya, sinimulan na ng LGU

Samantala, humupa na ang pag-ulan at mga pagbaha sa lungsod. Passable na ang mga pangunahing kalsada.

Ilan sa mga binaha ng todo ay ang Quezon Blvd. underpass, sa may bahagi ng Quiapo kung saan nagmistulang dagat o maruming swimming pool.

Ito ay niliguan pa nga ng mga Manilenyo na hindi alintana pa ang posibilidad na sila’y magka-leptospirosis at iba pang sakit.

Maging ang Lagusnilad sa harap ng Manila City Hall ay binaha rin.

Kahapon ay nasaid na ang mga tubig-baha gamit ang Flood Suction Truck ng LGU at puwede na itong madaanan ng mga sasakyan.

Passable na rin ang España Blvd, Vicente Cruz, Recto, at iba pang kalsada.

“Tayo ay nagrerekober na ulit. Nagsasaayos na. Wala na tayong baha. Lahat na ng mga kalye natin bukas na. Patuloy naglilinis ang pamahalaang lungsod sa buong Maynila,” ani Atty. Princess Abante, Spokesperson, Manila LGU.

70% ng mga pamilya sa Damka, Old Sta. Mesa, Maynila na nalubog sa baha, nasa evacuation centers pa rin

Ayon sa Manila LGU nasa mahigit 4-K pamilya ang apektado at dinala sa mga evacuation centers dahil sa kalamidad.

May isang barangay ang talagang nalubog sa baha, ito ay sa bahagi ng Damka, Old Sta. Mesa.

70% ng mga residente dito ay nanatiling nasa evacuation centers pa.

Matindi ang tama sa kanila ng mga pag-ulan dahil na rin malapit ito sa dagat.

Iyon talaga (‘yong pagiging malapit sa dagat) at saka ang lakas ng hangin. Yon ang nagpalala. Malakas ‘yong alon ng dagat,” ayon kay Mark Anthony Victorio, Chairman, Brgy. 598 Damka-Talipapa, Old Sta. Mesa, Manila.

Sa isang kalsada sa San. Lorenzo, Old Sta Mesa, hirap pa ring madaanan ng mga tao at light vehicles hindi dahil may baha pa kundi dahil sa sangkaterbang basura na iniwan ng pag-ulan at pagbaha.

Ang Department of Public Services (DPS), sinimulan na ang paglilinis. Gayundin ang ibang mga residente.

Sinimulan na rin ng LGU ang pamamahagi ng ayuda sa mga nasalanta ng Habagat at bagyo.

Ang mga pinakaapektadong pamilya ay bibigyan ng LGU ng P10,000 na financial assistance habang ang slight affected ay mayroong P3,000.

Mayroon ding mga food boxes para sa mga nasalanta.

Ang ibang apektadong residente na nasa evacuation center ay nakauwi na sa kani-kanilang bahay.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble