Maynilad, Manila Water magpapatupad ng taas-singil sa tubig simula Enero 2025—MWSS-RO

Maynilad, Manila Water magpapatupad ng taas-singil sa tubig simula Enero 2025—MWSS-RO

TUWING naglalaba si Aling Adelaida hindi aniya nito agad itinatapon ang tubig na pinaglabhan dahil ginagamit niya ito sa pagdilig ng halaman o paglinis sa kanilang sa bahay.

Sinisiguro aniya nitong nakakatipid sila sa tubig dahil umaabot na sa higit P7,000 ang water bill ng kanilang pamilya sa loob lamang ng isang buwan.

Problema na nga aniya nito kung paano pagkakasyahin ang pera nilang mag-anak kada araw.

 “Siyempre, mas malaki ang konsumo sa tubig bukod sa araw-araw na pagkain. Siyempre, pampabigat din ‘yun sa laki ng bill buwan-buwan,” ayon kay Adelaida Argumido, Customer.

Hindi lamang si Aling Adelaida ang nahihirapan sa buhay sa napakalaking bayarin sa tubig—maging si Joanne Mesa dumidiskarte rin para lang talaga makatipid sa lahat gaya ng tubig.

“Nag-iimbak na po kami ng gabi para kinabukasan may tubig na gagamitin hindi na lalo na nung nakaraan naka-P1,200 ako kahit tatlong tao lang ang gumagamit,” ayon kay Joanne Mesa, Customer.

Ang problema nina Aling Adelaida at Joanne sa mataas na singil sa tubig ay posibleng madagdagan pa.

Inanunsiyo kasi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS-RO) na pinayagan nila ang Manila Water at Maynilad na magtaas-singil sa tubig sa kanilang mga customer.

Ang Manila Water ay magpapatupad ng P5.95 na tariff adjustments o dagdag-singil.

Katumbas ‘yan ng higit P20 hanggang P100 na dagdag-singil para sa mga residential customer na kumukonsumo ng 10 hanggang 30 cubic meters.

Ang Maynilad naman ay nasa P7.32 ang umento sa kanilang singil sa tariff adjustments.

Katumbas ‘yan ng P10 hanggang P155.32 para naman sa mga kumukonsumo ng 10 hanggang 30 cubic meters.

Paliwanag ng MWSS-RO, napapanahon na ang taas-singil ng mga konsesyonaryo upang mapabuti ng mga ito ang kanilang serbisyo.

Kabilang na ang pagpapalawig sa sewerage coverage na siyang naglilinis ng tubig sa mga kabahayan at iba pang proyekto ng Maynilad at Manila water.

“The most important things we should factor in is that water is life and this is actually important that we have the necessary infrastructure to provide.”

“This water goes to the environment this has a significant impact on the health of the everybody inside the Metro Manila and those in the Manila Bay and Laguna Lake,” wika ni Atty. Patrick Lester Ty, Chief, MWSS-RO.

Epektibo aniya ang taas-singil sa tubig ng Manila water at Maynilad sa unang kwarter o Enero 1, 2025.

Pero, ang nakatakdang taas-singil sa tubig ay pinalagan ng ilang customer ng dalawang konsesyonaryo.

“Dapat bigyan nila tayo ng konsiderasyon ‘yung mga mahihirap na tao para naman makaangat sa buhay,” wika Connie Daniel.

“Nakaka-irita siyempre dagdag sa konsumo,” ayon kay Adelaida Argumido, Customer.

“Hindi ko na alam kung anong mangyayari sa budget namin,” wika ni Joanne Mesa, Customer.

Sa kabila nito, sinabi ng MWSS-RO na mananatili pa rin naman ang Enhanced Lifeline Program para sa mga mahihirap na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa ilalim nito ay maaaring maka-diskuwento ang mga mahihirap ng hanggang P274.53 para sa mga komukonsumo ng 20 cubic meters sa Manila Water habang P300.90 naman ang diskuwento sa mga customer ng Maynilad.

Pero, nangako ang MWSS-RO na oras na maging epektibo ito ay asahan na magiging maayos ang serbisyo ng mga konsesyonaryo.

Wala rin umanong mararanasang water crisis sa 2025.

“’Yun ang promise namin, walang severe water service interruption,” ayon kay Atty. Patrick Lester Ty, Chief, MWSS-RO.

Ngunit, hindi naniniwala diyan ang ilang mga customer sayang lang anila ang kanilang binabayad sa tubig dahil hindi naman maganda ang serbisyo.

Ilan kasing lugar sa Metro Manila ang nakararanas pa rin ng mga water interruption na pahirap umano sa buhay ng mga customer lalo’t napaka-importante ng tubig sa araw-araw na buhay.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble