Mayor Cayetano, nagpasaklolo sa SC vs Mayor Binay sa territorial dispute

Mayor Cayetano, nagpasaklolo sa SC vs Mayor Binay sa territorial dispute

NAGPASAKLOLO ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Taguig sa Supreme Court na aksiyonan ang alegasyon na muling bubuksan ang usapin sa territorial dispute sa Fort Bonifacio Military Reservation kung saan matatagpuan ang Bonifacio Global City (BGC).

Sumugod sa Korte Suprema umaga ng Martes si Taguig City Mayor Lani Cayetano para maghain ng mosyon.

Sa lumabas na desisyon ng Supreme Court noong Abril 2023, bahagi ng Taguig ang Fort Bonifacio Military Reservations maging ang Barangays Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo.

Pero ayon kay Cayetano may mga lumabas na social media post na nagsasabi na kinausap umano ni Makati Mayor Abby Binay ang Supreme Court, si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at si First Lady Liza Marcos hinggil sa desisyon.

Ang mga ito umano ay nagpahayag ng suporta para sa muling pagbubukas ng kaso.

Ang social media post ay sinusuportahan umano ang naging media interview ni Mayor Binay, kung saan sinabi nito na muling magkakaroon ng oral argument ang Supreme Court hinggil sa nasabing usapin.

Itinanggi naman agad ang naturang pahayag ni Supreme Court spokesperson Brian Keith Hosaka.

Ayon kay Mayor Cayetano, wala naman silang natatanggap na abiso para sa oral arguments kahit pa naghain ng motion for reconsideration ang kampo ni Binay sa desisyon.

Sa mosyong inihain ni Cayetano, gusto nito na pagpaliwanagin si Binay ukol dito at magkaroon ng imbestigasyon ang Korte Suprema kaugnay sa isyu.

Gusto ni Cayetano na maisyuhan ng show cause order si Binay kung bakit hindi ito kailangang i-sanction sa kaniyang nagawa.

Ang mga pahayag umano ni Mayor Binay ay nakakaalarma sa bahagi ng local government.

Ang mga pahayag ni Mayor Binay, tinawag na fake news ni Mayor Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na hindi dapat dinadamay sa fake news ang mga matataas na pinuno ng bansa.

Dapat na rin aniya respetuhin ang desisyon ng Korte Suprema sa usapin.

Sa kabila rito, nilinaw ni Cayetano, handa aniyang makipagdayalogo kay Binay para lang sa mapayapang transition.

Ang Makati City sa isang pahayag ay handa umano sumagot kung sakaling hihingin ng Korte Suprema ang kanilang komento sa petisyon.

Sa pahayag ni Makati City Administrator Claro Certeza, una na nitong pinabulaanan na dinala ni Binay ang usapin ng territorial dispute sa Malacañang at tinawag na iresponsable ang mga alegasyon ni Cayetano.

“These social media posts invoked by Taguig have made outrageous and irresponsible allegations against the President, the First Lady and the court itself. They have been ignored by credible media outlets and for good reason. No right-thinking lawyer would petition the high court on the basis of these posts. Yet, Taguig, displaying unfathomable wisdom, has chosen to do so. Regardless, if we are asked to comment by the Supreme Court, we will file our comment,” ayon kay Claro Certeza, Makati City Administrator.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter