HINDI na napigilan ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na maglabas ng kanyang sentimiyento hinggil sa mabagal na deployment ng bakuna para sa local government unit (LGU).
Sinabi ni Mayor Isko, sa milyong milyon nang bakuna ang dumating sa Pilipinas ay wala pang natatanggap ang Manila LGU.
Ani Yorme press release lamang daw ang sinasabing agad ide-deploy ang mga dumarating na bakuna sa bansa pero sa katunayan ay wala pang natatanggap ang mga LGU.
Kung matatandaan nito lamang Mayo 7, dumating sa bansa ang nasa 1.5 milyong dosis ng Sinovac vaccine galing China at Mayo 8 naman nang dumating ang nasa mahigit 2 milyong dosis ng AstraZeneca na galing naman sa COVAX Facility.
Pero giit ni Moreno nasaan ang mga naturang bakuna at bakit nanatili pa ito sa bodega.
Gayunpaman nagpapasalamat pa rin si Moreno na kahit paano ay tumanggap pa rin ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng 1,170 vials na COVID-19 vaccine na Pfizer o katumbas ng nasa 7,020 dosis na dumating kagabi sa Sta. Ana Hospital.
Ayon pa kay Yorme, susunod pa rin sila sa priority list na tatanggap ng Pfizer alinsunod sa patakaran ng national government.
Ibig sabihin unang makikinabang sa Pfizer ay ang mga health care workers, pero pakiusap ni Yorme kagaya ng Sputnik Gamaleya ay bigyan lamang siya ng isa hanggang dalawang araw para ibababa na ang naturang bakuna sa A2 at A3 groups.
Samantala good news naman para kay Mayor Isko dahil kahapon ay natapos na rin ang pamamahagi ng tig-4,000 na ECQ ayuda mula sa national government para sa 380,820 family beneficiaries sa lungsod.
Ayon kay Moreno, ang distribusyon ng ayuda ay pinangunahan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa loob ng 35 araw.
Nasa 6,421 NA persons with disabilities (PWDs) at 4,241 na solo parents din ang nakatanggap ng kanilang emergency financial assistance.
Nasa 20,335 naman na persons under vulnerable groups ang nakatanggap na rin ng ayuda habang 9,072 na pamilya ang nabigyan sa left-out barangays sa lungsod.
(BASAHIN: Sputnik V vaccine, prayoridad sa mga medical frontliner sa lungsod ng Maynila)