Mayor Isko Moreno, bukas sa pag-amyenda sa konstitusyon para sa kwalipikasyon sa pagtakbo bilang pangulo

BUKAS sa pag-amyenda sa konstitusyon si Manila Mayor Isko Moreno para sa karagdagang kwalipikasyon sa nais tumakbong pangulo ng bansa.

Ito’y ayon kay Mayor Isko na ang isang indibidwal na nais tumakbo ay nararapat na dumaan o may ilang taon ng karanasan sa gobyerno sa anumang serbisyo publiko.

Pero, hindi siya pabor na ang bawat Presidential aspirants ay kinakailangan na may college degree bago niya naisin na makakuha ng mataas na posisyon sa bansa.

Aniya, bago pataasin ang standard ng educational attainment ng tao, dapat masiguro na bukas at mailapit ang edukasyon para sa lahat.

Iginiit ni Mayor Isko, na hindi lahat ay nakakuha o nakaranas na makapag-aral dahil hindi sapat ang tulong na naibigay ng gobyerno kung saan inihalimbawa nito ang ilang mga taga-probinsiya na nais mag-aral sa kolehiyo na kailangan pang lumuwas ng Maynila para lamang makapag-aral.

Ang pahayag ng alkalde ay bilang tugon sa hindi matapos-tapos na isyu sa kwalipikasyon ng edukasyon ng mga kasalukuyang tumatakbong pagka-pangulo sa 2022 national at local elections.

SMNI NEWS