HINAMON ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na maghain ng kaso laban sa mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kasunod ito ng insidente ng pagdagsa ng mga tao sa dolomite beach sa Manila Bay.
Ayon kay Isko Moreno, bagama’t nasa lungsod ang Manila Bay, nasa DENR pa rin ang hurisdikyon ng dolomite beach dahil sa nagpapatuloy na rehabilitation project sa lugar.
Iginiit ni Moreno na ang pagdagsa ng tao sa man-made beach ay maaring maging super spreader.
Kahapon, sinabi ni Manila Police district Chief police Brigadier General Leo Francisco na kabuuang 65,000 ang bumisita sa dolomite beach noong linggo.