WALANG pananagutan si Baguio City Mayor and contact tracing czar Benjamin Magalong sa naging kontrobersyal na party na dinaluhan nito ayon sa Palasyo.
Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque matapos umani ng batikos mula sa netizens ang birthday party ng celebrity na si Tim Yap na inilunsad sa The Manor, Camp John Hay, nakaraang linggo.
Ani Roque, kung sumunod si Baguio City Mayor Magalong sa health protocols ay wala itong pananagutan.
Ang pagdalo ng alkalde sa naturang party aniya ay hindi “actionable” o dahilan para siya ay kasuhan.
Maliban kay Magalong, dumalo rin ang mga iba’t-ibang sikat na personalidad na hindi rin sumunod sa ipinapatupad na COVID-19 guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Ipinapaubaya naman ng Palasyo ang desisyon sa lokal na pamahalaan sa pagpataw ng karampatang parusa at multa sa mga lumabag sa health protocols.
Dagdag pa ni Roque na buo pa rin ang tiwala at respeto ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Baguio City Mayor at contact tracing czar Benjamin Magalong na bibigyang aksyon ng alkalde ang nasabing insidente.
Sinabi naman ng alkalde na kahit ang kanyang asawa ay kanyang pagmumultahin.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang birthday party ni Tim Yap matapos nadawit si Baguio City Mayor Magalong na isa ring official ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.