TULUY-tuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng Urdaneta City lalo na’t halos lahat ng mga nakapalibot na karatig-bayan nito ay dumadayo sa siyudad para mamimili ayon kay City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno, III.
Ibinahagi ni Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno, III na hindi gaanong naapektuhan ang ekonomiya ng kaniyang lungsod noong nakaraang pandemya.
Ito’y dahil habang nagsara ang ekonomiya sa mga karatig-bayan ng Urdaneta sa kasagsagan ng pandemya ay bukas sila para tumanggap ng mga mamimili mula sa ibang bayan.
“Hindi ko naman sinasabing napakasuwerte ng Urdaneta dahil noong nagsimula ang pandemya halos lahat ng karatig-bayan ay dito nagdadagsaan, dito namimili. Bagama’t kami lang ang nakabukas noon , may mga schedule ang lahat ng mga bayan na pumapasok hanggang sa dumating ‘yung panahon na naka-survive tayo at ito ay nagtuluy-tuloy na halos palagian na lahat ng karatig-bayan dito na namamalengke,” ayon kay Mayor Julio Parayno III, Urdaneta City.
Dagdag ni Parayno, dati ay pang-apat ang Urdaneta sa ekonomiya sa apat na lungsod ng Pangasinan ngunit ngayon ay nangunguna na ito sa buong lalawigan.
Isa sa dahilan aniya upang lumago ang kita ng lungsod ay ang maigting na pamamalakad sa sistema ng merkado partikular na sa koleksiyon.
“Binago namin ang lahat ng mga…for example sa market kailangan naming pag-ibayuhin ano ba ang sistema bakit ganito ang koleksyon. Nakita namin ang mga problema at binago namin,” ani Parayno.
Plano naman ni Mayor Parayno sa susunod na taon na gawing digital ang transaksiyon ng pagbabayad at inaasahan din nito na maging Smart City ang Urdaneta.
Dagdag pa ng alkalde, malaking tulong ang mga karanasan niya sa trabaho noon para magamit sa paglago ng koleksiyon ng lungsod.
Ipinatupad aniya ang pagkakaroon ng tax holiday ng isa hanggang dalawang taon sa lahat ng mga investor na nais pumasok sa Urdaneta at hindi mahirap ang pagkuha ng permiso sa engineering office para sa nais gagawa ng construction project.
Mayor Parayno, nagpapasalamat kay FPRRD dahil nalinisan ang siyudad mula sa mga krimen at droga
Kaugnay naman sa peace and order sa lungsod ay malaki ang pasasalamat ni Parayno kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil nalinisan ang Urdaneta mula sa mga krimen partikular na sa droga.
“Dati noong ako’y vice mayor, malamang masabi hindi ko ipinagmamalaki ang siyudad ng Urdaneta kahit gumawa kami ng napakagandang batas lokal na regulasyon para sa siyudad ay hindi talaga naapula ang kaguluhan sa siyudad ng Urdaneta lalo na ang mga droga at kung ano-ano pa. Pero ako’y nagpapasalamat sa dating Presidente kay Apo Digong Duterte talaga namang nalinisan ang siyudad ng Urdaneta,” aniya.
Nakasungkit pa aniya ang lungsod ng isang parangal bilang “Best Component Police Station 2022” na hindi nakuha ng lahat ng mga local government unit (LGU) sa buong Region 1.
Sa kabuuan, aniya ay walang nangyaring kaguluhan sa nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng may mga nangyayaring mga reklamo sa magkabilang-panig.
Plano rin ni Parayno na ang lahat ng national agencies ay magkaroon ng puwesto sa kanilang government center sa bagong City Hall kagaya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Pag-IBIG, Commission on Audit (COA), BIR, Bureau of Fire Protection (BFP), Professional Regulation Commission (PRC), Supreme Court, at marami pang iba.
Inimbitahan naman ni Mayor Parayno ang mga kababayan kabilang na ang mga karatig-lugar na saksihan ang kanilang aktibidad sa gaganaping piyesta ng Urdaneta sa Disyembre 1-8, 2023.
Kabilang sa mga aktibidad ang pasasalamat sa Poong Maykapal, Zumba Dance, Binibining Urdaneta, Miss Gay, Basketball Game Kasama Ang Mga Sikat Na Personalidad, Best Night, Bloodletting Activity, Family Night with Sara Geronimo.
Gaganapin din ang Tuno-Tuno Festival kung saan ipamamalas ang iba’t ibang klase ng ihawin sa kada barangay kasabay ng mga tugtog ng iba’t ibang banda na lalahukan ng mga sikat na grupo kagaya ng Ben&Ben.
Bukas ayon ni Parayno ang gaganaping mga aktibidad para sa lahat at bagama’t libreng mapanonood ang mga pagtatanghal ng mga sikat na artista ay limitado lamang ang venue sa mga bisita kaya pangarap aniya na magkaroon ng malaking sports complex ang lungsod sa susunod na taon.