NANAWAGAN si presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magpatawag ng special session sa Kongreso para tugunan ang pagtaas ng presyo ng gasolina at ang epekto nito sa mga pangunahin bilihin.
Sinabi ni Mayor Sara na nananawagan sila ng kanyang running-mate na si dating Senador Ferdinand Marcos Jr. na suspindihin muna ang excise tax sa gasolina upang maibsan ang pasanin sa mga operator at driver ng mga pampublikong sasakyan.
Dagdag ng alkalde na dapat tulungan din ng Kongreso ang executive department sa pagtukoy ng mga hakbang na dapat ipatupad upang matulungan ang mga Pilipino sa gitna ng nararanasang krisis.
Una nang sinabi ni Albay Representative Joey Salceda na may moral obligation si Pangulong Duterte na magpatawag ng special session dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Hiniling naman ng Malakanyang sa Kongreso na repasuhin ang oil deregulation law dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na maaaring lumala pa dahil sa sagupaan ng Ukraine at Russia.