Mayor Teodoro, nag-ikot muna sa palengke bago naghain ng kandidatura

Mayor Teodoro, nag-ikot muna sa palengke bago naghain ng kandidatura

NAGHAIN na ng kanyang kandidatura si Marikina City Mayor Marcy Teodoro para tumakbo ulit sa pagka-alkalde ng siyudad.

Ang makakalaban niya, ang dating kaalyado na si dating MMDA Chairman Bayani Fernando.

Maagang nag-abang si Papa Cardz sa labas ng Comelec office sa Marikina.

Hinihintay niya kasi ang paghahain ng kandidatura ni City Mayor Marcy Teodoro.

Suot nito ang t-shirt na gamit sa kampanya ni Marcy noong 2007, noong tumatakbo pa bilang kongresista ang alkalde.

“Mahal po siya ng Marikenyo. Kaya ang sabi ko Marikina love Mayor Marcy,”ayon kay Mariano isang supporter ni Mayor Teodoro.

Pero ang hinihintay niya, namalengke muna bago naghain ng kandidatura.

Kasama ng kanyang maybahay, nag-ikot si Mayor Marcy sa pamilihang bayan at nagbigay ng moratorium sa pagbabayad ng upa sa palengke.

“Nadaan ako dito sa palengke ngayon, tinitingnan ko sapagkat marami parin kaming paninda at kokonti ang bumibili. Kaya talagang kailangan ang ekonomiya natin mapasigla natin at mabuksan pa natin,”ayon kay Mayor Teodoro.

“Hindi naman po mabait po siya at lagi niyang binibisita yung palengke,”ayon sa isang tinder sa palengke.

“Talagang umiikot siya at tinitignan niya po kami,”dagdag nito.

Pagkatapos mamalengke, agad itong nagtungo sa Comelec para maghain ng kanyang Certificate of Candidacy.

Makakalaban ni Teodoro si Marikina 1st District Rep. Bayani Fernando o kilala sa tawag na BF.

Si BF ay dating Marikina Mayor at dati ring chairman ng MMDA.

Noong 2016 elections, sinuportahan ni Marcy ang pagtakbong kongresista ni BF.

Pero sa susunod na taon, silang dalawa ang magkalaban.

“Ang alam ko nagalit siya dahil tinaggal namin yung reclamation area sa BF City at ito yung naging dahilan at simula ng kanyang pagkagalit sa akin at ito yung naging dahilan at tumakbo siya ngayon ano,”ayon kay Teodoro.

Noong 2019 elections, walang kalaban sa pagka-Mayor si Marcy.

“Noong 2019 election walang kalaban ang mayor. Ano talaga, undefeated siya noon. Yung mga pulitiko ay naniwala sa kanya. Ito yung pagkakataon na naipakita niya ang kakayahan niya bilang ama ng lungsod ng Marikina,”ayon kay Chairman Bob Pamisa.

Nangako naman si Marcy na tututukan pang lalo ang mga programa para sa pagbangon mula sa pandemya.

Lalo na’t ngayon ay patuloy ang pagbaba ng COVID-19 cases sa Marikina.

At ngayong may panahon pa, umaasa rin siya na magbabago pa ang isip ni BF.

“Umaasa ako na sana magbago pa ang isip niya at makasama pa rin namin siya,”ayon kay Mayor Teodoro.

“Inaasahan ko sana maunawaan niya kung bakit namin tinanggal yung reclamation na yun dahil nakahadlang doon sa daanan ng tubig sa ilog eh. At naging dahilan din ng malaking pagbaha doon sa lugar na nabanggit,”dagdag nito.

SMNI NEWS