Mayora Abby proud sa Makati High School Robotics Team na pambato ng Pilipinas sa Robotics World Championship sa Dallas, Texas

Mayora Abby proud sa Makati High School Robotics Team na pambato ng Pilipinas sa Robotics World Championship sa Dallas, Texas

PINURI ni Makati Mayor Abby Binay ang Makatrix Robotics Team ng Makati High School na nagwagi bilang national champion sa 2024 VEX Robotics Competition Philippine National Championship na ginanap sa Xavier School sa San Juan City noong Pebrero 24, 2024.

Bilang kinatawan ng Pilipinas, nakatakdang lumahok ang Makati High School team sa 2024 VEX Robotics World Championship sa Kay Bailey Hutchinson Convention Center sa Dallas, Texas, mula Abril 25 hanggang Mayo 3, 2024.

Ipinahayag ni Mayora Abby na lubos na ipinagmamalaki ng Lungsod ng Makati ang Makatrix hindi lamang bilang kinatawan ng buong bansa sa naturang paligsahan, kundi bilang patunay ng todo-todong suporta ng pamahalaang lungsod para sa co-curricular at extracurricular activities sa technology at innovations ng Makati public schools.

Ang Makatrix robotics team, na binubuo ng apat na Grade 12 Makati High School students sa ICT specialization track, ay sasabak sa Over Under Division para sa mga mag-aaral na mula Grade 6 hanggang 12. Sina John Ashley Alvarado, Enriquito Yamzon, Brian Bernabe, at Fritz Rivera ay makikipagtagisan ng galing sa 11,500 teams mula sa 40 na mga bansa sa higit sa 750 tournaments. Makakasama nila ang kanilang robotics coach na si Zernie Pugao.

Ang VEX Robotics World Championship ay naglalayong pasiglahin ang STEM (Science, Technology, Engineering, and Mathematics) skills ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang background sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya na naglilinang ng technical skills sa programming, critical thinking, at soft skills tulad ng teamwork, collaboration, communication, at time management.

Pinasalamatan din ni Mayora Abby ang mga magulang ng apat na robotics champions, ang kanilang mga coach, at ang mga opisyal ng paaralan para sa kanilang suporta.

Una nang naging kampeon ang Makatrix ng Makati High School sa VEX Regional Championship Over Under Scrimmage noong Disyembre 9, 2023, habang ang MAKhina team ng naturang paaralan ay pumangatlo sa 2023 Manila VEX Robotics Competition.

Ang Makatrix ay pumangatlo rin sa Robotics Innovative Project sa 14th Sci-Math Interschool Challenge na ginanap sa De La Salle Integrated School noong Marso 11, 2023. Nakamit din ng chess team ng Makati High School ang bronze medal sa regional team level noong Pebrero 28, 2023. Ang mga ito ay patunay sa dedikasyon ng paaralan sa pagtataguyod ng kahusayan sa iba’t ibang larangan.

Ang Makati High School ay pinamumunuan ni Principal Corazon Caculitan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Schools Division Office ng Makati sa pangunguna ni Superintendent Dr. Ma. Evalou Concepcion Agustin.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble