Mayorya sa mga Pilipino, walang pakialam sa tamang pagtatapon ng basura—MMDA

Mayorya sa mga Pilipino, walang pakialam sa tamang pagtatapon ng basura—MMDA

NANANATILING pangunahing problema ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura.

Isa ito sa mga sanhi ng matinding pagbabaha sa Metro Manila, kung saan ang mga basura ay itinatapon sa estero, kanal, o ilog, at ang iba naman ay naiipon sa mga lansangan.

“Ang pinakachallenge natin diyan is ‘yun ngang walang proper waste segregation at majority of our Filipinos are not mindful ‘yung kanilang responsibility pagdating doon sa responsible waste management,” ayon kay Usec. Procopio Lipana, General Manager, MMDA.

Sa datos ng MMDA, umaabot sa 11K kilogram ng basura ang nage-generate kada araw sa Metro Manila noong 2024.

Ngayong 2025, tinataya ng ahensiya na aabot na sa higit 13M kilogram ng basura ang mage-generate kada araw o higit 4.6 milyong tonelada kada taon sa Metro Manila.

Mga kandidato sa halalan 2025, dapat maging responsable sa kanilang election waste—MMDA

Hindi pa kasali sa nasabing bilang ang mga election waste o mga itatapong campaign materials pagkatapos ng halalan.

Kaya ang MMDA ay may pakiusap sa mga kumakandidato.

“Sana maging mindful sila na ‘yung kanilang election paraphernalia, if they will not properly manage, malaki po ang magiging epekto sa kalinisan at kaayusan ng Metro Manila. We are appealing to them na maging responsable sa paglalagay ng kanilang mga election paraphernalia,” wika ni Usec. Lipana.

Expo na may layong makamit ang zero waste sa sanitary landfills, isinagawa ng MMDA

Kaugnay rito, isinagawa ng MMDA ang Road to Zero Waste Expo na naglalayong makamit ang zero waste sa mga sanitary landfill at daluyan ng tubig pagsapit ng 2034.

Tampok sa expo ang mga inisyatiba ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at pribadong sektor pagdating sa waste management, recycling, at resource recovery.

“To achieve zero waste, kailangan talaga na maisip natin ‘yung mindset ng taumbayan. Kailangan mapihit natin ang kaisipan ng bawat Pilipino na dapat ang bawat Pilipino ay maging responsable sa pagsesegregate,” saad nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble