RAMDAM na ang init ng panahon ngayon sa Cebu, kaniya-kaniya na rin ang paghahanda para sa paparating na long weekend para sa planong bakasyon ng mga Cebuano ngayong Semana Santa at summer season.
Nakaalerto na ngayon ang pamunuan ng Mactan Cebu International Airport (MCIA) at ang mga pasilidad dahil simula sa susunod na linggo, inaaasahan na ang pagdagsa ng mga pasahero papalabas at papunta sa paliparan ng MCIA.
Ayon kay Edilyth Maribojoc, Corporate Affairs Manager, Relation Officer ng Mactan Cebu International Airport, naka-highten alert status na ang paliparan at may naitalaga na silang help desk assistance para gumabay sa mga pasahero.
“Spearheaded by Mactan Cebu International Airport, ang ating airport ngayon ay nakahanda na. May mga ginagawa na tayong preparasyon tulad ng paglalagay ng ating mga assistance desk for our passengers, kasi inaasahan natin dumagsa ang mga pasahero natin and of course as mandated by our agency naka-hightened alert status na rin tayo dito sa MCIA,” pahayag ni Edilyth Maribojoc, Corporate Affairs Manager, MCIA.
Nagpaalala naman ang pamunuan ng MCIA sa lahat na mga pasahero na bago pa ito magpunta sa airport ay laging e-check ang mga documents, schedule at flight status ng eroplanong sasakyan para iwas-aberya.
“Paalala po namin sa aming mga pasahero na bago po kayo pupunta dito sa airport, lagi po ninyong e-check ang mga documents ninyo saka yung mga flight status ninyo. Maari po ninyo yang gawin, pumunta lang po kayo sa mga website ng inyong eroplano. Tapos puntahan lang po ninyo ang page na may nakalagay na flight status, tapos gamit po ang inyong mga flight numbers, puwede pong e-check ang status ng inyong flight para po bago kayo pumunta ng airport, nakahanda na po kayo kung saka-sakali may magbago sa inyong flights,” paalala ni Maribojoc.
Naghahanda na rin ngayong araw ang mga tauhan ng Land Transportation Office Region -LTO 7 dahil inaasahan na dadami pa ang mga sasakyang babiyahe pauwi sa kani-kanilang mga lugar papalabas at papasok ng Metropolitan Cebu.
Ayon kay LTO-7 Region Director Victor Emmanuel Caindec, ngayong araw ng Biyernes epektibo ang ‘Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa and Summer Vacation 2023 ng ahensiya at magtatapos ito hanggang Abril 10.
“Oplan Biyaheng Ayos!: Semana Santa and Summer Vacation 2023 will be implemented starting this coming Friday, March 31 up until April 10 or the day after Easter Sunday,” saad ni Victor Emmanuel Caindec, LTO 7 Region Director.
Ani Caindec, base ito sa derektiba ni Department of Transportation (DOTr) assistant secretary Atty. Jose Arturo Tugade na inilabas noong unang linggo ng Marso.
Bago pa ang nasabing kautusan, nanatiling naka-duty ang mga tauhan nito kada weekends at holidays.
Dagdag pa ni Caindec, para masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at mga pasahero nito, magkakaroon sila ng 2 shifts kada araw sa 11-day period ng Oplan at magkakaroon ng random roadside at terminal inspections.
Kabilang sa i-mo-monitor ng LTO Region 7 ay ang mga bus terminal, PUV Terminals ng bawat probinsiya sa rehiyon.
Magtatalaga rin ang LTO-7 ng Malasakit Help Desk sa bawat terminal para magbigay ng assistance sa mga motorista at pasahero.
Pinaalalahanan din ng LTO-7, na patuloy ang pagpapatupad nila sa RA 4136 (Land Transportation Traffic Code), lalong-lalo na sa mga violators tulad ng reckless driving, kolurom, mga sasakyang depektibo ang mga parte at mga accessories.
Samantala, ayon naman kay Dr. Eugenia Mercedes Canal, Medical Officer IV ng Regional Epidemiology Surveillance Unit ng Department of Health (DOH) 7, pinag-iingat ang lahat na bumabiyahe o magbabakasyon ngayong Lenten Season dahil maraming sakit ang makukuha sa init ng panahon.
“For those mga bakasyonista, travellers, we may remind them to keep themselves hydrated all the time, and if they have medications, to bring them as well also, If they are up to long travel, siguro ayaw nilang gumagamit ng public toilet or CR, they better wear diaper na lang para hindi sila malimit uminom ng tubig at ihi sila nang ihi.”
“So, for those who travelers naman or bakasyonista, they have their own vehicle. So, I hope you will check your vehicle as well, road worthiness of your cars or pick up, para maiwasan po natin ang road accident,” saad ni Dr. Eugenia Mercedes-Canal, Medical Officer IV, Regional Epidemiology Surveillance Unit, DOH-7.
May paaalala naman si Dr. Canal sa mga nagco-commute at walang sasakyan.
“Sa mga nag co-commute, because alam natin na magiging crowded ang mga terminal, sa mga seaports, you have to wear light clothing para hindi na man tayo masyadong dehydrated at pag-papawisan sobra and also keep yourself hydrated all the time po,” ani Dr. Canal.