PLANO ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na iabswelto sa rental fees ang meat retailers na apektado ng ipinatupad na price cap para sa presyo ng baboy at manok.
Kabilang sa mga abswelto ay ang meat retailers sa public markets na walang kakayahan na makapagtinda ng pork meat bunsod ng ipinatupad na price cap ng Malacanang para sa karne ng baboy at manok.
Ito ang ipinahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos inspeksyunin kamakailan ang presyo ng baboy sa Commonwealth Market at Mega Q Mart kasama ang mga kinatawan ng Department of Agriculture, Department of Trade and Industry at ang Metro Manila Development Authority.
Ani Belmonte ay napagdesisyunan nilang ipatupad ang nasabing hakbang upang matulungan ang mga apektadong meat retailers na apektado ng nagpapatuloy na krisis.
Nanawagan naman ang alkalde sa private markets na gayahin ang nasabing hakbang at sabay na nagbilin sa Market Development and Administration Department na makipagtulungan sa market vendors habang hinihintay ang subsidized na suplay ng baboy mula sa Department of Agriculture.
Maaalalang ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 124 na naglalayong ipatupad ang price ceiling na ₱270 per kilo para sa kasim o pigue, ₱300 per kilo para sa liempo, ₱160 per kilo para sa dressed chicken sa loob ng animnapung araw.
Naging dahilan naman ito para maglunsad ng pork holiday ang mga traders at vendors bilang pagprotesta sa ipinatupad na price ceiling ng national government.
Nangako naman ang alkalde na paiigtingin ang monitoring at pagpapatupad ng price ceiling upang masiguro na hindi maabuso ang mga konsyumer at maprotektahan ang kanilang karapatan bilang mamimili.
Kaugnay nito ay binalaan ni QC Mayor Joy Belmonte na iimbestigahan ang mga meat retailers at suppliers na mahuhuling mag-o-overprice ng kanilang mga ibibentang produkto.