MECO: Walang Pilipinong nasawi o nasugatan sa 7.2 magnitude earthquake sa Taiwan 

MECO: Walang Pilipinong nasawi o nasugatan sa 7.2 magnitude earthquake sa Taiwan 

NAPAWI ang pangamba ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) nang makatanggap sila ng ulat na walang Pilipino sa Taiwan ang nasawi o nasugatan sa 7.2 magnitude earthquake, araw ng Miyerkules Abril 3, 2024.

Sa inilabas na pahayag, nagpapasalamat si MECO Chairman Silvestre H. Bello III sa natanggap nilang ulat na ligtas ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nasabing pagyanig.

Batay aniya ito sa kanilang monitoring sa Taipei at sa mga ulat mula sa field offices sa Taichung at Kaohsiung, at sa mga report mula sa mga Filipino community sa Taiwan.

Sinabi rin ni Bello na marami sa ating mga OFW ang takot na takot habang umuuga ang mga gusali sa kanilang kinalalagyan, at yumanig ang lupa.

Patuloy pa ring nananalangin ang MECO para sa kaligtasan ng mga Pilipino sa Taiwan.

DMW patuloy na naka-monitor sa kalagayan ng mga Pilipino matapos ang 7.2 magnitude na lindol sa Taiwan

Samantala, binabantayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sitwasyon ng mga OFW sa Taiwan kasunod ng malakas na lindol na yumanig sa isla bago mag-8:00 umaga ng Miyerkules.

Ayon sa DMW, ang tatlong Migrant Workers Offices (MWOs) ng ahensiya sa Taiwan ay agad na nag-activate ng mga protocol sa mga Filipino community, mga lider, mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ng Taiwan pati na rin ang mga employer at trade associations upang tiyakin ang kaligtasan at katayuan ng mga Taiwan-based OFWs.

Nakahanda ang Taiwan MWOs na magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong OFW kung kinakailangan.

Kaya naman, nagbukas na rin ng help desk ang DMW para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong matapos ang nangyaring lindol sa Taiwan.

Ang help desk ay tutugon din sa mga kahilingan ng impormasyon ng mga miyembro ng pamilya ng mga OFW na nakabase sa Taiwan na gustong malaman ang katayuan at kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Samantala, ayon sa central weather administration ng Taiwan, naramdaman ang mga aftershock sa Taipei, na umabot na sa mahigit 25.

Ayon sa Official Central News Agency ng Taiwan, ang naturang lindol ang pinakamalakas na tumama sa isla mula noong 1999 o 25 taon nakalilipas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter