INATASAN ng liderato ng Philippine Army ang pagrebyu sa mental health program ng kanilang hukbo.
Kasunod ito ng walang habas na pamamaril na ginawa ng isang sundalo sa kapwa nitong sundalo sa Cagayan de Oro.
Apat na sundalo ang nasawi matapos ang walang pagbabarilin ni Army Private Johmar Villabito Service Support Battalion Compound sa headquarters ng 4ID,Philippine Army na nakabase sa Camp Edilberto Evangelista, Brgy. Patag, Cagayan de Oro City noong Pebrero 11.
Kinilala ang mga biktima na sina Army Sgt. Rogelio Rojo, CPl. Bernard Rodrigo, PFC Prince Kevin Balaba at PVT. Joseph Tamayo.
Kasunod ng insidente, agad na ipinag-utos ni Philippine Army Commanding General Romeo Brawner Jr., ang pagrebyu sa ilang polisiya na may kaugnayan sa mental health programs para sa kanilang mga sundalo.
Ayon sa heneral, malaking bagay ito para matingnan ang kalagayan ng mga sundalo habang ginagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin lalo pa’t malayo sila sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Bukod sa nasabing hakbang, pag-aaralan din ang mas istriktong pagsasala sa mga aplikante na nais magsundalo.
Ito’y upang matiyak na malusog ang mga ito hindi lang sa pangangatawan kundi maging sa pag-iisip din at maiwasan na magkaroon ng problema sa institusyon oras na madeploy na ang mga ito sa kani-kanilang areas of responsibility.
Sa kabilang banda, kasunod ng ginawang imbestigasyon ng Board of Inquiry na pinangungunahan ng Philippine Army at Philippine National Police, lumabas na negatibo ang suspek na si Villabito sa paggamit ng iligal na droga na posibleng sanhi ng pag-aamok nito.
Wala ring nakuhang impormasyon ang mga imbestigador na may nakaaalitan ang suspek bagamat patuloy ang pagsisiyasat maging sa personal nitong buhay para matukoy ang dahilan ng karumal-dumal nitong aksiyon.
Binisita kamakailan ni General Brawner Jr. ang mga naulila na mga pamilya ng mga biktima kasabay ng pag-aabot ng paunang pinansiyal na tulong para sa kaniila.
Nito lamang nakaraang buwan nang maitala ang diumano’y pagpapakamatay ng isang babaeng sundalo sa mismong barracks ng Philippine Army sa Fort Bonifacio Taguig City.
Isa sa mga tinitingnang anggulo ay problema sa pamilya.