NAKIKIPAG-ugnayan na ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga generation company para punuan ang kakulangan ng 670 megawatts na suplay ng kuryente.
Kasunod ito sa notice of cessation ng South Premier Power Corporation na subsidiary ng San Miguel Corporation sa kanilang pagsusuplay ng kuryente sa Meralco dahil sa inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Court of Appeals.
Sa isang pahayag ng Meralco, pansamantala muna silang kumukuha ng suplay na sakop ng power supply agreement sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) pero mataas ang presyo nito.
Giit ng naturang electric company na kung magkakaroon ng bagong Power Supply Agreement (PSA) ay mapoprotektahan ang mga customer laban sa mas mahal na presyo ng kuryente sa WESM.
Sa ngayon, hindi tumitigil ang Meralco para matiyak na mayroong sapat na supply para sa kanilang konsyumer.
Samantala, pinulong naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang iba’t ibang distribution utilities sa bansa para bumuo ng solusyon na tutugon sa mataas na singil sa kuryente.
Nagsagawa ng konsultasyon ang mga kinatawan ng ERC at Department of Energy (DOE) sa mga distribution utility sa Davao kung saan napag-usapan ang epekto ng mataas na generation charges na dulot ng mataas na presyo ng coal sa merkado.
Sa nangyaring konsultasyon, humingi rin ng tulong ang mga electric cooperative sa pamahalaan na tulungan silang ipaliwanag sa mga consumer na hindi nila kontrolado ang pagtaas ng singil sa kuryente.