Metro Manila at karatig lalawigan, balik GCQ na simula Agosto 19

Metro Manila at karatig lalawigan, balik GCQ na simula Agosto 19

ISASAILALIM muli sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila at Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal simula Agosto 19-31.

Ito ang inaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address na ginanap sa Davao City nitong Lunes ng gabi, matapos ang isinagawang virtual meeting kasama ang ilang miyembro ng gabinete, kasabay ng pagtugon sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.


Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang rekomendasyon na ilagay na ang Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, Rizal sa GCQ ay nangangahulugang mas marami pang industriya ang magbubukas.

Ani Roque, pwede na ulit ang dine-in sa restaurants, pwede na ring magkaroon ng religious services pero hanggang 30% lang.

Dagdag pa ni Roque, magbubukas halos lahat ng industriya bukod na lamang sa mga maraming pagtitipon-tipon, mga entertainment at amusement para sa mga bata.

Sa muling pagbubukas ng maraming industriya, ipatutupad naman ang mas maigting na testing, magkakaroon din ng house to house na paghahanap sa symptomatic, gagawin ang mas malawakang tracing at iba pang stratehiya laban sa COVID-19.

Samantala, ang iba pang mga lugar na inilagay sa GCQ ay ang Nueva Ecija, Batangas, Quezon sa Luzon; ang Iloilo City, Cebu City, Lapu Lapu City, Mandaue City, Talisay City, mga munisipalidad ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu province.

Ang iba pang mga lugar sa Pilipinas na hindi nabanggit ay nasa ilalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Mababatid na dalawang linggong isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang NCR at kalapit na lalawigan mula noong Agosto 4 hanggang Agosto 18 bilang tugon sa apela ng medical community para makapagpahinga mula sa lumolobong bilang ng kaso ng COVID-19.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte ang kahalagahan na tiyakin ang kaligtasan ng workforce at palakasin pa ang contact tracing efforts ng pamahalaan habang tinatahak ng gobyerno ang balanseng pagtugon sa pagitan ng kalusugan at ekonomiya.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.