APRUBADO ng Metro Manila Council (MMC) ang paglalagay ng exclusive motorcycle, bike, at public utility vehicle lanes sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Nagkasundo ang mga mayor ng Metro Manila na maglalatag ng exclusive lanes para sa motorsiklo, bike, at PUVs upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), walang tutol sa paglalatag ng exclusive lanes para sa mga bisikleta, pampublikong sasakyan, at motorsiklo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Sa isinagawang pagpupulong ng Metro Manila Council, pinagtibay ang pagkakaroon ng exclusive lanes para sa mga naturang rider at motorista upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ayon sa Road Crash Statistics mula sa MMDA Traffic Engineering Center, mayroong kabuuang 1,010 na motorcycle accidents sa Commonwealth Avenue.
Ayon kay Engr. Carlo Dimayuga III, acting Chairman ng MMDA, ipatutupad ang mga exclusive motorcycle lane, habang hinihintay ang mga pagsasaayos na irerekomenda ng Quezon City local government unit.
Batay sa MMDA Resolution No. 22-15, ang right outermost lane ng Commonwealth Avenue ay italaga bilang isang eksklusibong bicycle lane.
Ang second lane ng parehong avenue ay itatalaga bilang exclusive Public Utility Vehicle tulad ng mga jeep, UV Express at ang third lane ay para sa mga nagmomotorsiklo.
Ang natitirang mga lane ng Commonwealth Avenue ay itatalaga para sa lahat ng iba pang sasakyan.
Katuwang ang Department of Public Works and Highways at Quezon City LGU, maglalagay ang MMDA ng mga traffic signs at wastong lane markings sa Commonwealth Avenue mula Elliptical Road hanggang Doña Carmen Subdivision at vice versa bilang gabay.
Magsasagawa naman ng 3-day dry run bago ang aktuwal na pagpapatupad nito.
“Within those 15 days po, gusto rin ng aming Chairman na magka 3-day dry run and also within this time we will have to put the markings sa road natin at tsaka mga informational signage along Commonwealth Avenue,” ayon kay Atty. Mel Carunungan, MMDA spokesperson.