Metro Manila Council chairman, walang planong luwagan ang age restriction sa lungsod

PARA kay Parañaque City Mayor at chair ng Metro Manila Council Mayor Edwin Olivarez, na dapat munang manatili ang mga bata sa loob ng kanilang tahanan lalo na’t madali silang mahawa ng virus kahit pa kasama ang kanilang mga magulang.

Aniya, kanilang binabantayan ang bagong variant ng COVID-19 kung saan nakipagpulong na siya sa kanilang Local Task Force, City Health Office at City Epidemiology and Surveillance Unit para gumawa ng hakbang para mabantayan na hindi makapasok sa lungsod ang bagong variant ng virus.

Pero binawi rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagluluwag sa age restriction ng mga papayagang lalabas ng bahay.

Ito’y matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang paglabas ng bahay ng mga batang may edad 10 hanggang 14 na taong gulang.

Ipinaliwanag ng pangulo na sa bagong natuklasang UK variant ng coronavirus ay apektado na nito maging ang mga bata.

“Iyong restrictions na lifting the age of 10 to 14 age group sa MGCQ areas na palabasin na ‘yung mga 10 to 14, I am compelled — it has nothing to do with their incompetence, not at all — ang akin is a precaution because there is or there was or is strain discovered in the Cordillera na ‘yung that is very similar to the strain dito sa United Kingdom,” pahayag ng pangulo.

Kaugnay nito, nilinaw din ng Malakanyang ang alegasyon na tila urong sulong ang pamahalaan sa desisyon kaugnay sa pagharap sa COVID-19 cases lalo na sa mga konsiderasyon sa kung sino ang maaaring lumabas at kung sino ang hindi.

Maging ang Kagawaran ng Edukasyon, hindi rin pabor sa mungkahing pagpapaluwag sa mga indibidwal na maaaring lumabas ng bahay dahil sa kawalan ng katiyakan sa naging variant ng COVID-19.

Matatandaan na inanunsyo ng IATF noong nakaraang linggo na maaari nang lumabas ng bahay ang may edad 10 hanggang 65 taon gulang simula ngayong Pebrero sa mga lugar na nasailalim ng Modified Community Quarantine (MGCQ).

Kaugnay din nito, muling iginiit ni Olivarez na hindi siya pabor na luwagan o ibaba ang ipinapatupad na community quarantine.

Inasahang na mabanggit ang usaping ito sa nakatakdang pulong ng Metro Manila Council ngayong gabi.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.