Metro Manila hindi pa handa sa ‘The Big One’—OCD

Metro Manila hindi pa handa sa ‘The Big One’—OCD

MULING nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa iba’t ibang ahensiya at lokal na pamahalaan lalo na sa pribadong sektor at sa bawat mamamayan na pagtuunan ang posibilidad na pagtama ng ‘The Big One’ sa Greater Metro Manila at karatig na probinsiya.

Ito ang naging pahayag ni OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno sa ginanap na symposium sa Kampo Aguinaldo, araw ng Huwebes, Hunyo 27, 2024 na dinaluhan naman ng iba’t ibang representante mula sa mga LGU, ahensiya ng gobyerno, at ilang pribadong sektor.

Sa naturang pagpupulong, inihayag ni Usec. Nepomuceno na base sa pag-aaral na ginawa noong taong 2014, inaasahan na aabot sa mahigit 30,000 ang masasawi.

Paliwanag ng opisyal, ang pagkakaroon ng sinseridad na tugunan ang mga kalamidad ay hindi prayoridad ng karamihan sa ating mga kababayan.

“Ang malaking problema sa disaster management is this, this is not in the priority list of our people. Ibig sabihin, ano ba ang importante ‘pag nag-survey ka? What are the most important concerns or issues that bother Filipinos, disasters or calamities is not in the top of their minds,” ayon kay Usec. Ariel Nepomuceno, Administrator, OCD.

Dagdag pa nito, aminado ito na kahit ang iba na nasa pribadong sektor o organisasyon ay walang kooperasyon kaugnay sa naturang usapin.

“It is very difficult to do our mission if in the first place all those who are involved in the preparations and response are not aware, fully aware of the role of each other and other agency or organization will react or in the first place prepare,” ani Nepomuceno.

Kabilang sa plano ng OCD ay tingnan ang integridad ng bawat gusali kung ito ba ay nakasunod sa building code.

“Sana ganito talaga ‘yung ating kaisipan. Number 1, that we really have to do, we have to follow the strict provisions, the safety provisions of the building code and the structural code of the Philippines ‘yung mahigpit talaga,” dagdag pa ni Nepomuceno.

Kaya upang mas lumaganap ang impormasyon kung gaano ka-delikado ang ‘The Big One’, gagawin nang regular na face to face meeting at pagtalakay ang OCD patungkol dito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble