HINDI malayong tuluyang lumubog ang buong Metro Manila kung hindi matitigil ang reclamation sa Manila Bay ayon kay Sen. Cynthia Villar, na isa ring kilalang environmentalist.
‘‘Parang di sila naniniwala that there is a possibility na lulubog ang Metro Manila. Lilipat na ‘yung capital ng Indonesia because Jakarta is sinking. Lilipat na ‘yung capital ng Indonesia,’’ ayon kay Sen. Cynthia Villar.
Dismayado ang mambabatas sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang reclamation sa Manila Bay sa kabila ng utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na suspendihin ang lahat ng reclamation projects sa nasabing lugar.
Sa pagdinig ng Senate Committees on Environment, Natural Resources and Climate Change at Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, sinabi ni Villar na maihahalintulad ang Pilipinas sa nangyari sa Indonesia kung saan unti-unting lumulubog ang Jakarta.
Binanggit ni Villar na ang paglubog ay dahil sa pag-compress ng lupa na pinagmumulan ng suplay ng tubig.
Ngunit sa Metro Manila ay mas nakakaalarma ang situwasyon dahil sa ginagawang pagtatambak ng lupa sa dagat o Manila Bay.
‘‘So, bumababa ang Metro Manila tapos tumataas ang sea level rise tapos tinatambakan pa natin ‘yung ocean, ‘yung Manila Bay, baka madali tayo. Can you imagine the Philippines lumulubog ang Metro Manila? Batay sa pag-aaral ng UP Marine Science Institute na inilabas noong 2022, lubhang maapektuhan ang Metro Manila sa pagtaas ng lebel ng tubig habang palubog naman ang mga karatig probinsya nito na Bulacan at Pampanga,’’ saad ni Senadora Villar.
Sa kanilang lugar naman sa Las Piñas ay inihalimbawa ni Villar ang Las Pinas-Parañaque Wetland park na sa kabila ng pagiging isang legislated protected area ay naglabas pa rin ang DENR ng Environmental Compliance Certificate (ECC).
Dahil dito ay binatikos din ni Villar si dating EMB director Engr. William Cunado.
Pinagpapaliwanag ng senador si Cunado kung ano ang dahilan nito kung bakit naglabas ng ECC sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park.
Kung matutuloy kasi ang reclamation ay maaapektuhan ang Las Piñas River, Parañaque River, Zapote River, at Molino River sa Bacoor, Cavite ng mga pagbaha na aabot sa anim hanggang walong metro.
“Do you know that the Las Piñas-Parañaque Wetland Park is the biggest spawning ground for fishes in Manila Bay? If you reclaim the park, the mangroves will be killed off. We planted the mangrove in the 1990s so it can protect Las Piñas-Parañaque from typhoon surges,” ayon pa sa senadora.
Napagsabihan din ng senador ang PRA dahil sa hindi nito binibigyan ng bigat ang idudulot na perwisyo sa mga residente ng lungsod at maging sa libu-libong mangingisda kung hahayaan nitong magpatuloy ang mga reclamation projects sa Las Piñas at Parañaque.
Aniya, nasa 3,000 mangingisda sa Manila Bay ang mawawalan ng pagkakakitaan kung magpapatuloy ang reclamation projects ng mga pribadong kompanya.
Samantala, maging si dating Sen. Joey Lina, Jr. at ngayo’y president at director ng Manila Hotel ay tutol din sa reclamation projects sa Manila Bay.
Ayon kay Lina, mas lalala ang daloy ng trapiko sa Metro Manila kung lalawak ang reclaimed area sa Manila Bay na inaasahan na magiging sentro ng negosyo.