MANANATILI ang Metro Manila na isailalim sa general community quarantine (GCQ) sa Marso ayon sa Malakanyang.
Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine status na ipatutupad sa susunod na buwan.
Kabilang din sa mga lugar na isailalim sa GCQ ang Apayao, Baguio City, Kalinga, Mt. Province, Batangas, Tacloban City, Iligan City, Davao City, at Lanao del Sur.
Ilalagay naman sa modified general community quarantine (MGCQ) ang iba pang bahagi ng bansa.
“Lahat po ng mga lugar na hindi natin nabanggit ay nasa modified general community quarantine.” pahayag ni Roque.
Una nang inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) maging ng mga Metro Manila mayors ang MGCQ sa buong bansa.
Gayunpaman, hindi ito pinayagan ng Pangulo hangga’t magsimula na ang rollout ng coronavirus disease 2019 vaccines.
Sinang-ayunan naman ang desisyon ng pangulo ng lahat ng gabinete nito.