Metro Manila mayors, hinikayat na i-adopt ang uniform curfew hours

HINIKAYAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Metro Manila mayors na i-adopt ang uniform curfew hours sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, makatutulong ito upang madaling makapagtalima ang publiko sa protocol dahil aniya may mga taong naninirahan at nagtatrabaho sa iba’t ibang local government units (LGUs).

“Mahirap po sa ating mga kababayan kung paiba-iba ang curfew hours dahil malilito po sila sa pagsunod nito. It would also be easier for the National Capital Region Police Office (NCRPO) to implement the curfew if the hours are uniform across Metro Manila,” pahayag ni Malaya.

Sinabi ni Malaya, na ipauubaya ng ahensiya sa mga mayor ang desisyon kung anong mga oras ang ipatutupad ngunit suhestyon naman ng tanggapan na kailangan magsimula ang curfew sa alas 10 ng gabi.

Ipinatupad ang curfew hours simula 12 a.m. hanggang 4 a.m. sa Valenzuela, Pasay, Parañaque, Taguig, Las Piñas, Makati, Mandaluyong City.

Mula 12 a.m. hanggang 5 a.m. curfew hours ang ipinatupad naman sa Manila at Pasig City.

Samantala, nagpatupad ng panibagong city-wide curfew hours ang San Juan City mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. sa layuning makontrol ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 sa komunidad.

Nagpatupad din ng mahabang curfew hours ang Caloocan City ngayong araw simula 10 p.m. hanggang 4 a.m.

SMNI NEWS