PABOR ang mga Metro Manila mayors sa pagpapalawig ng General Community Quarantine o GCQ hanggang Pebrero ayon kay Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.
Ayon kay Oliveroz, ang lahat ng 16 na city mayors at isang municipal mayor ay inirerekomendang manatili sa GCQ ang buong Kamaynilaan hanggang sa darating na Pebrero.
Ani Olivarez, magiging mahirap kung sakaling magkakaroon ng dagdag sa kaso ng COVID-19 lalo na’t mayroong bagong variant ng virus na na-detect na sinasabing mas nakakahawa.
Nakasailalim na sa GCQ ang Metro Manila simula June 2020 pa lamang maliban na lamang sa dalawang linggo noong Agosto kung saan inilagay sa mas mahigpit na Modified Enhanced Community Quarantine ang lugar upang sundin na rin ang kahilingan ng mga medical frontliners.