SUMASANG-ayon ang Metro Manila mayors sa desisyon ng Inter-Agency Task Force na isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) with some restrictions ang National Capital Region (NCR).
Ito ang inihayag ni Metropolitan Manila Chairman Benhur Abalos sa panayam ng Laging Handa public briefing.
“So, maganda na po ang kaso ngayon, kaya kung ano man ang sabihin ng ating mga experts, we do it slowly and cautiously, we defer to their wisdom po,” pahayag ni Abalos.
Bukod pa rito, inihayag din ni Abalos na pag-uusapan pa ng MMDA at Metro Manila mayors ang posibleng pagsasailalim nito sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Nananawagan naman si MMDA Chairman Abalos sa mga Pinoy na magpabakuna na upang maiwasan ang pagkakaroon ng malubhang kondisyon sanhi ng COVID-19.
Population protection sa NCR bago magpasko
Samantala, kinumpirma ni Abalos na magkakaroon ng population protection ang NCR bago magpasko.
Aniya, ito ay dahil mayroon ng nabakunahan sa NCR na aabot sa 3,204,905 para sa first dose at ang nakatanggap naman ng second dose ay aabot na sa 1,080,463 o 4.3 million sa kabuuan.
Aniya, ito ay may average ng 114,000 vaccination kada araw ngunit umaabot pa ng 170,000 hanggang 200,000 ang nababakunahan sa NCR kada araw.
“So sa 114,000, i-multiply natin to tatlong buwan, ito’y mahigit kumulang na 3.4 million po bawat isang buwan,” ani Abalos.
Aniya, kung susumahin, sa loob ng tatlong buwan, mayroon pang mababakunahan na 10.2 million na mga residente ng Metro Manila.
Kaya naman, maaaring umabot na sa mahigit 14 milyong residente ng NCR ang maaaring mabakunahan pagkatapos ng buwan ng Setyembre.
BASAHIN: NCR mayors, pinag-aaralan ang pagpapataw ng parusa sa mga nagtatapon sa estero