NAGSAGAWA ng Capacity Building on Remote Sensing Technology ang Metropolitan Environmental Office.
Upang higit na mapaigting ang pagmonitor ng mga River Protection Officer (RPO) sa mga partikular na daluyang tubig na nakatalaga sa kanila, nagsagawa ang Metropolitan Environmental Office (MEO) – East ng Capacity Building on Remote Sensing Technology noong ika-25 ng Marso sa kanilang tanggapan.
Tinalakay ni Special Investigator Eros Don Achilles Milan ang konsepto ng Remote Sensing Technology gamit ang Electronic Magnetic Spectrum, sensors at platforms gaya ng mga satellite at drone.
Bukod pa rito, ipinakita rin niya kung paano magkalap ng mga datos gamit ang mga nasabing teknolohiya.
Ayon kay MEO – East OIC Director Engr. Virgilio Edralin Licuan, malaki ang maitutulong ng teknolohiya para sa operasyon na isinasagawa ng kanilang tanggapan.
“Bukod sa pagmonitor ng ating mga katubigan dito sa Marikina, Pasig, at Quezon City, maaari itong magamit ng ating Enforcement Team para makakuha pa ng mga datos tungkol sa mga green spaces, wildlife retrieval at tree cutting activities na nagaganap sa mga nasasakupan nating mga lugar,” ayon kay Licuan.
Sa pamamagitan ng Remote Sensing Technology, maaari matukoy ang pisikal na katangian ng isang lugar kabilang ang land cover, land use changes, water quality parameters at maging ang mga potensyal na pinanggagalingan ng mga basura na napupunta sa mga daluyang tubig.
Ang mga makakalap na datos rito ay magagamit sa mga proyekto at interbensyon na binubuo upang mapanatiling malinis at maayos ang mga daluyang tubig at kapaligiran sa Metro Manila.