Mga agri group, umapela sa pamahalaan na magtayo ng national food terminal sa bansa

Mga agri group, umapela sa pamahalaan na magtayo ng national food terminal sa bansa

NAPAPANAHON nang magkaroon ng sentro ng kalakalan ng mga produktong agrikultura ayon sa grupo ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI).

Ito ay sa pamamagitan ng pagtatayo ng National Food Terminal Hub sa bansa.

Isinusulong ito ng PCAFI kasunod ng hindi magandang lagay ng export industry sa bansa lalo na sa mga produktong agrikultura.

Paliwanag ni Rene Pamintuan ng grupong PCAFI, isa sa tamang paraan na nawala sa bansa ay ang Food Terminal Incorporated (FTI).

Ang naturang FTI ay itinayo noong panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Sa pamamagitan aniya ng bubuuing hub for food system distribution ay magtatayo ng food terminal sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Ayon kay Pamintuan, kapag nasertipikahan ng Philippine Economic Zone Area (PEZA) ang FTI sa isang rehiyon ay maari nang makapagdala rito ng aning produkto ang isang ordinaryong magsasaka.

Makatutulong aniya ito sa ekonomiya ng bansa dahil inaasahang dadagsain ito ng mga foreign investors.

Sa ngayon sabi ng PCAFI, napag-iiwanan ang Pilipinas ng mga karatig na bansa pagdating sa export ng agri products.

Ginawang halimbawa ng grupo ang mga magsasaka sa Thailand na aniya ay direkta nang nakakapagbenta ng aning produkto sa Amerika at iba pang bansa.

 

 

Follow SMNI News on Twitter