HINDI na mapipigilan ang mga manlalakbay na magbiyahe sa kani-kanilang probinsya para gunitain ang Semana Santa na sisimulan na sa susunod na linggo.
Kaya naman iba-ibang paraan ang ginagawa ng mga airlines at Manila International Airport Authority (MIAA) upang mananatiling maginhawa ang paglipad ng kanilang mga pasahero kahit dagsain pa ng mga ito ang paliparan.
Ang AirAsia Philippines ay nag-anunsyo na nasa 90-100 percent na ang naka-book sa kanilang domestic destination para ngayong Semana Santa at sa natitirang bahagi ng buwan ng Abril.
Dahil dito, upang matugunan ang mas maraming Pilipinong nagbibiyahe para sa Holy Week at ngayong summer, sa pangkalahatan, ang AirAsia Philippines ay nagtaas ng lingguhang flight frequency nitong Abril ng 30% buwan-buwan.
Ayon sa AirAsia, kabilang sa mga nangungunang destinasyon ngayon na may pinakamataas na bilang ng mga manlalakbay ay ang Caticlan (Boracay) na may 37,881, Tacloban na may 13,737, Panglao na may 13,303, Cebu na may 12,778 at Kalibo na may 11,754 na bisita na naka-book para lumipad sa paparating na peak travel period.
Matatandaan, lumipat kamakailan sa NAIA Terminal 4 para sa mga domestic operation nito, ang AirAsia Philippines kung saan ay nagtalaga ito ng 12 check-in counter at apat na self check-in kiosk na matatagpuan sa entrance ng terminal.
Ito ay inilagay upang mapagaan ang potensyal na mahabang pila ng mga bisitang lumilipad sa 13 iba’t ibang destinasyon ng AirAsia Philippines.
Bukod dito para hindi maabala ang mga pasahero may paalala ang naturang air carrier na pupunta sa paliparan.
Sa kabila nito ay tiniyak pa rin ni AirAsia Super App Managing Director Ray Berja na malaki ang maitutulong ng Super App na isang digital, travel at lifestyle platform para sa contactless facial check-in at boarding ng mga pasahero bukod pa dito sa online booking at check-in features.
Sa ganitong paraan mas madali na lamang sa mga pasahero sa paliparan ang aalis patungo sa kanilang domestic destination ngayong paparating na ang Semana Santa.
Bukod sa mga flight, ang mga customer ay maaari ding mag-book ng mga hotel, travel package, aktibidad, car rides, parcel deliveries at kahit na mamili ng pagkain, damit, at iba pang produkto sa mas mababang presyo.
Mula nang ilunsad ito sa buong mundo, nakipagsosyo rin ang AirAsia Super App sa mahigit 200,000 hotel para masigurado ang pinakamagagandang deal.
Kailangan lang munang mag-download sa isang android o IOS phone ng Air Asia Super Asia upang mag-register.
Suportado naman ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Information Communication and Technology (DICT) ang pinakabagong Super App entrant sa Pilipinas na naglalayong pasiglahin ang malakas na e-commerce market ng bansa.