Mga aktibong pulis, may karapatan na sumalungat sa maling ginagawa ng mga halal na opisyal

Mga aktibong pulis, may karapatan na sumalungat sa maling ginagawa ng mga halal na opisyal

SA gitna ng mga nangyayari sa bansa, lalo na ang iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hinimok ni dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang mga kawani ng Pambansang Pulisya na manindigan sa kanilang karapatan.

Si dating Pangulong Duterte ay inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest galing sa International Criminal Court  (ICC) na tinulungan ng Philippine National Police  (PNP).

Ani Panelo, kung nakikita ng mga pulis na mali na ang pinapagawa sa kanila ng mga nakatataas nilang opisyal, hindi raw dapat manatiling tikom ang kanilang mga bibig.

Punto ni Panelo, hindi sagot ang pagbibitiw sa pwesto, bagkus dapat gamitin ng mga pulis at militar ang kanilang mga natutunan sa akademiya para panindigan ang tama.

“Manatili kayo sa pwesto niyo at sabihin niyo sa kasamahan niyo, uy, mali ang ginagawa ng gobyerno natin,” payo ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal

Matatandaang, kinukuwestiyon ngayon ang paraan o proseso ng pag-aresto sa dating Pangulo dahil sa isyu  ng legalidad.

Kuwestiyonable rin ang pagdadala kay dating Pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands na wala namang hurisdiksyon sa Pilipinas. Ang paglipat kay Duterte ay hindi rin niya pinahintulutan.

Giit ni Panelo, panahon na para tumayo ang mga pulis bilang totoong protektor ng mamamayang pilipino.

“Tandaan ninyo, ‘yung ilegal na ipinapagawa sa inyo, hindi niyo dapat ipatupad. Legal lamang ang dapat niyong gawin kayo naman ay nakapag aral alam niyo ang tama at mali, alam niyo ang batas . Alam niyo ang lumalabag simpleng simple lang yan ‘yun ang gamitin ninyong batayan sa kung anuman ang gusto ninyong gawin sa misang mapayapa, organisado at legal,” paliwanag niya.

Mga pulis at militar, hindi dapat pagbawalan na magpalabas ng hinaing sa gobyerno

Samantala, kaugnay naman sa kumakalat na utos umano ng PNP na nagbabawal sa mga kapulisan na magkomento sa mga nangyayari sa bansa gamit ang kani-kanilang personal social media accounts, isa umano itong malinaw na paglabag sa karapatan ng pamamahayag sa ilalim ng ating konstitusyon, mapa pulis o militar man, o maging sinumang ordinaryong mamamayan.

“Sapagkat sa saligang batas ang pagpapahayag ng damdamin ay karapatan sagrado yan,” paliwanag ni Panelo.

“At yung paglalabas sa kalsada pag oorganisa, pulong, martsa, freedom of assembly. Kayong pulis at militar, mga kaarapatan niyo na dapat proteksiyunan,” aniya pa.

Samantala, patuloy pang kinukumpirma ng parehong ahensiya ng PNP at AFP ang sinasabing sunud-sunod na pagbibitiw ng mga tauhan nito dahil sa umanoy pagkadismaya sa pamamalakad ng kanilang pinanggalingang organisasyon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter