Mga akusado sa pagkawala ni Catherine Camilon, isasailalim na sa preliminary investigation

Mga akusado sa pagkawala ni Catherine Camilon, isasailalim na sa preliminary investigation

NATAPOS na ang case build-up at evaluation ng Batangas Police Provincial Office sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.

Sa Pulong Balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) PIO Chief PCol. Jean Fajardo na tinanggap na ng Batangas Prosecutors’ Office ang inihain ng pulisya na kasong kidnapping at serious illegal detention laban kay PMaj. Allan de Castro at tatlong iba pa.

Ayon kay Fajardo, itinakda ang preliminary investigation sa Disyembre 19, 2023 at Enero 9, 2024 kung saan inaasahan ang paghahain ng counter-affidavit ng mga akusado.

Inaasahan aniyang sasagutin ng mga akusado ang mga reklamong inihain hinggil sa pagkawala ni Camilon.

Kahapon, nagkaharap naman sa tanggapan ng Regional Internal Affairs Service-4A ang dalawang partido para sa preliminary conference.

Nagsumite sila ng karagdagang salaysay habang kinumpirma ng mga complainant kabilang ang mga magulang ni Camilon at ang isa nitong kaibigan ang palitan nila ng mensahe ng biktima bago ito napaulat na nawawala.

Gayundin ang pananakit ni De Castro kay Catherine Camilon na naging basehan para sa kasong administratibo na conduct unbecoming a police officer.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter