Mga akusasyon hinggil sa human rights violations at EJK vs gobyerno, nakakasawa na – Sen. Imee Marcos

Mga akusasyon hinggil sa human rights violations at EJK vs gobyerno, nakakasawa na – Sen. Imee Marcos

PAGOD na si Senador Imee Marcos na marinig ang ulit-ulit na isyu hinggil sa umano’y paglabag ng Pilipinas sa human rights at extrajudicial killings (EJK).

Ito ang sinabi ni Sen. Imee sa one-on-one interview kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy sa programang SMNI Exclusive nitong Miyerkules.

“Pumunta ako sa Washington DC, at bago ang lahat pinagalitan muna ako nang  bonggang-bongga. Ang dami nilang is sa Pilipinas mula sa human rights, EJK, mga lumang tugtugin po nakakapagod sa totoo lang,” pahayag ni Senator Imee.

Samantala, hinggil naman sa pakikitungo ng Pilipinas sa ibang bansa, mas mainam aniya na maghinay-hinay muna lalo na’t kapapasok lang ng bagong administrasyon.

“Sabi ko relax muna ha, relax muna. Sinasabi ninyo na very bad and relasyon ng Pilipinas noong nakaraang administrasyon. Dahan-dahan lang muna ayusin natin at tingnan natin kung alin ‘yung totoo o alin ‘yung hindi, higit sa lahat ‘yung kapatid ko nakaupo pa lang ng tatlong buwan bigyan naman ninyo ng konting breathing room, ika nga,” ayon sa senadora.

Dagdag ng senador, dapat maiwasan na matulad ang Pilipinas sa Ukraine lalo na’t nakapwesto ang bahagi ng bansa, ang Ilocos, malapit sa Taiwan.

“So, unang-una ang sabi ko sa kanila, ‘pag hindi tayo nagdahan-dahan ang susunod na Ukraine baka nasa Asya na, nasa likod na namin sa tabi ng Ilocos, sa Taiwan,” aniya pa.

Sinang-ayunan naman ito ni Pastor Apollo C. Quiboloy na aniya ay pinakahuling nanaisin ng bansa ay ang maipit sa pagitan ng tensyon ng dalawang bansa at matulad sa Ukraine.

“’Yung pinaka-last na gusto natin dyan magkagirian ang dalawang ito at nasa gitna tayo tulad ng Ukraine that is the last thing we want,” pahayag ni Pastor Apollo.

Samantala, sa nagpapatuloy naman na pagtatalo patungkol sa relasyon ng Pilipinas sa America at China, ani Sen Marcos, hindi naman kailangan ng drama at mamili sa dalawa.

Kaugnay nito, nais ng senadora na manatili ang malakas na pwersa ng militar ng Amerika habang nananatili ang magandang relasyon ng Pilipinas at China.

“Dapat pag isipan natin kung ano ‘yung mga treaty natin sa mga Amerikano. So ‘yun ang una, we want a strong presence of the Americans here, a strong military presence, pero kaibigan pa rin natin ang China. Sila ang bahagi ng Asian community higit sa lahat number 1 trading partner ng Pilipinas malamang sa susunod na dekada sila pa rin. So, bakit tayo makikipag-away? At bakit tayo maging torn between two lovers? So anong drama ‘yun? ‘Wag na,” ayon pa ng senadora.

Samatala, sinabi rin ng senadora  na nag-iba na ang sitwasyon ngayon sa Asya.

Aniya, ito na ngayon ang pinakamabilis na lumago lalo na sa ekonomiya.

“Nag-iba na ang sitwasyon, pinapaliwanag ko nga sa kanila sa ayaw man nila o sa kagustuhan, nag-iba na ang South East Asia, ang East Asia. Ang Asia ngayon ay pinakamabilis na lumago, maunlad, matibay, malalakas ang ekonomiya hindi na katulad dati na aping-api noong colonial times, it’s different these days, we have the fastest growing economies. We have all the strategic resources and we have a young population,” ani senadora.

Dagdag ng senadora, hindi kailangang ma-praning sa China bagkus ay kailangan patuloy pa ring makipag-usap.

“‘Wag ma-praning sa China, i-engage pa rin ang China, tuluy-tuloy makipag-usap that’s the Asian way. Lalo kang may kaaway lalo mong kinakausap. So, kung kaaway man ninyo ‘yung China sa pakiwari ninyo, kausapin ng kausapin kasi hindi maaaring mauwi sa karahasan,”ayon sa senadora.

Follow SMNI NEWS in Twitter