KUMILOS ang mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para agad siyang maibalik sa Pilipinas at mapalaya. Ngayong araw ay naghain ng habeas corpus petition sa Korte Suprema ang magkapatid na Sebastian at Veronica Duterte. Hiling nila ang agarang aksiyon laban sa illegal detention ng kanilang ama.
Sa update, ang bunsong anak ng dating Pangulo na si Veronica sa kaniyang Instagram post, makikita rito ang kaniyang ama habang nasa Villamor Airbase bago inilipad patungo sa The Hague.
Naroon si Kitty kasama ang kaniyang ina na si Honeylet.
Sa kaniyang post, ibinahagi ni Kitty na sandwich lamang ang ipinakain sa kaniyang ama sa kabila ng 8 oras na biyahe patungong Netherlands.
Miyerkules nang pormal na maghain ng habeas corpus petition sina Sebastian at Veronica sa pamamagitan ng kanilang mga abogado na sina Atty. Salvador Panelo at Atty. Salvador Paulo Duterte.
Giit ng kampo ng dating Pangulo, walang hurisdiksiyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas dahil maayos na gumagana ang justice system ng ating bansa.
Dagdag pa nila, hindi nasunod ang tamang legal na proseso sa ginawang extradition.
Maliban diyan, hindi rin sinunod ang legal na proseso sa ginawang extradition sa dating pangulo na puwersahan ding inilipad patungong The Hague Netherlands.
Bukod kay Veronica, naghain din ng magkaparehong petisyon si Davao City Mayor Sebastian Duterte sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado.
Kung kakatigan ng Korte Suprema ang petisyon, obligadong ipresenta ng gobyerno ang dating Pangulo sa korte sa itinakdang araw, oras, at petsa.
Kung dumating na si Duterte sa The Hague bago lumabas ang desisyon, magiging tungkulin ng gobyerno na ipatupad ang anumang kautusan ng Korte Suprema.
Matatandaang una nang hiniling ni Duterte sa Korte Suprema ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang gobyerno sa kooperasyon nito sa ICC, kabilang ang pagpapatupad ng warrant of arrest.
Iginiit ng dating Pangulo na ilegal ang ginawang extradition dahil matagal nang kumalas ang Pilipinas sa ICC.
Sa isang pahayag, sinabi ng Korte Suprema na sa ilalim ng kautusan ni Chief Justice Alexander Gesmundo, magkakaroon ng special raffle para sa petisyon.
Ngunit hanggang sa mailipad si Duterte sa Netherlands, hindi ito nakapagpalabas ng desisyon.
Samantala, lumipad na rin patungong The Hague, Netherlands ang iba pang anak ni dating Pangulong Duterte na sina Cong. Paolo “Pulong” Duterte at Vice President Sara Duterte.