BIBIGYAN lamang ng danyos kung hindi magsasampa ng kaso ayon sa isang abogado ang mga apektadong indibidwal at negosyo dulot ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Sa isang press conference, inilahad ng abogado na kinuha ng P & I Insurance na maliban sa valid ID at mga dokumento para makakuha ng danyos ang mga apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro, kinakailangan din nilang pumirma sa isang waiver.
Nakasaad sa waiver na kapag sila ay nakatanggap ng kabayaran ay hindi na sila magsasampa ng civil case paliwanag ni Atty. Valeriano del Rosario.
Pero kung magsasampa ng kaso ang isang claimant ani Del Rosario wala silang makukuha na kabayaran.
Dagdag pa ng abogado na kung magsasampa ng kaso ay maaaring aabot pa ng maraming taon bago makatanggap ng kompensasyon.
Para naman kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor mas mainam na ang magsampa ng claims kaysa magsampa ng kaso.
Mga residente at negosyong apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro, maaaring magsampa ng compensation claims ngayong Biyernes
Nitong Lunes hindi natuloy ang pagsasampa ng mga claims sa kapitolyo.
Paliwanag ni Atty. Del Rosario kinakailangan pa kasing dumaan sa orientation sa pagprocess ng claims ang mga tauhan ng Provincial Legal Office na magiging katuwang ng mga claims officer.
May apat na kategorya upang matukoy na kwalipikado na makasingil ng kompensasyon.
Kabilang dito ang mga nagamit at nagastos sa oil spill clean-up operations; pangalawa sa mga nawalan ng kita sa pangingisda; pangatlo sa turismo; at pang-apat naman ang property damages.
Kabilang sa puwedeng magsampa ng claim ay ang mga apektadong indibidwal, korporasyon at lokal na pamahalaan.
Maaaring kumuha ng claim forms at alamin ang iba pang requirement sa Provincial Capitol sa Calapan City simula ngayong Biyernes.
Ipoproseso sa loob ng 30 araw ang isinumiteng form at ang mga dokumento ng claimant depende sa mga ebidensiyang hawak nito na nagpapatunay na siya ay naapektuhan ng oil spill.
Maaaring may bumisita na mga eksperto sa mga claimant para ma-verify ang mga nasabing ebidensiya.
Kung magkano ang matatanggap na danyos ay magdedepende ito sa kabuuang assessment ng mga eksperto.