MAAARING manghimasok at magkaroon ng hurisdiksiyon ang Office of the Solicitor General (OSG) sa posibilidad na maisailalim din sa freeze order ang assets o mga ari-arian ni Porac Pampanga Mayor Jaime Capil.
Gayunman ay ipinaliwanag ni Solicitor General Menardo Guevarra na ito ay kapag mayroon nang aktwal na money laundering at civil forfeiture cases laban sa naturang alkalde.
Para naman aniya sa patas na hustisya ay tiniyak ni Guevarra na tututok lang ang OSG batay sa direksiyon ng makakalap na mga ebidensiya.
Ito ang naging reaksiyon ng OSG matapos na inatasan ng Court of Appeals ang Anti-Money Laundering Council na isailalim sa freeze order ang lahat ng mga ari-arian ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at sa pitong iba pa, gayundin sa anim na kompanya.
Magugunitang sina Capil at Guo ay kabilang sa mga ipinatawag at iniimbestigahan ng Senado kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub sa nasasakupan nilang bayan.