LUMALAGO na ang bayan ng Laoac, Pangasinan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ricardo Dispo Balderas.
Isa sa tinutukan nito ang pagpapatayo ng mga gusali na nakatutulong para sa paglago ng ekonomiya ng bayan.
Sa exclusive interview ng SMNI News North Luzon, inisa-isa ni Mayor Balderas ang mga proyektong ito na ang iba ay patapos na at ang iba ay sisimulan na sa tulong ng mga ahensiya ng gobyerno.
“Makikita natin dito sa harap ng munisipyo, sa municipal hall natin, at ‘yung Mayor’s Park, sana before town fiesta, matatapos ang project na ito, mayroon tayong on-going project, funded by the national government and DOH, implemented by the DPWH, ito po ‘yung magiging harap ng municipal hall natin dito sa Laoac, ito po ang magiging modelo na building ng munisipyo po natin.”
“May mga national funded project tayo na on going, projects din natin dito sa Laoac. Ito ‘yung magiging Super RHU natin na funded by national government under DOH, implemented by DPWH,” saad ni Mayor Ricardo Balderas, Laoac, Pangasinan.
Isinusulong din ni Mayor Balderas ang pagpapalago ng ekonomiya ng bayan kaya nais nito na magtayo ng mga bagong commercial building para sa mas dumami ang negosyo sa bayan.
Umaasa rin ito na maaprubahan ng Sangguniang Bayan ang kaniyang hiling na mag-loan para sa proyektong ito.
Bukod pa rito, hinihikayat ng alkalde ang lahat ng mga taga-Laoac na tangkilikin ang mga produkto at serbisyo sa bayan para mas lumago ang ekonomiya.
“Tama ‘yung ini-encourage ko nga ‘yung mga kabayan ko na, halimbawa, may matatanggap silang benepisyo na galing ng DOLE, ano, ang sinasabi ko sa kanila, dito niyo gamitin ‘yung pera sa Laoac, dito niyo ibili, para makatulong kayo sa ekonomiya, para makinabang din ‘yung mga negosyante na taga-Laoac,” ani Balderas.
Christmas Lighting Ceremony 2024, mas pinasaya at pinasigla ng mga papremyo
Samantala, mas naging masaya ang pagdiriwang ng kanilang Christmas lighting ceremony ngayong taon dahil sa iba’t ibang aktibidad at pa-raffle ng lokal na pamahalaan.
Kung saan ang grand prize winner ay nag-uwi ng P300,000, ang first prize ay P200,000, 2nd prize P100,000, at ang consolation prizes ay nakakuha ng tig-isang libong piso hanggang sampung libong piso.
Bago ang Christmas lighting, nagbigay rin ng mensahe si Mayor Balderas kung saan tiniyak nito na iikot siya sa lahat ng mga barangay ngayong Christmas upang ipadama ang malasakit ng lokal na pamahalaan.
Pinangunahan naman ni Mayor Balderas ang seremonya ng Christmas lighting ng bayan.
Saad nito, ang raffle ay sinalihan hindi lamang ng mga taga-bayan kundi maging ng mga taga-ibang lugar.
Samantala, hahanapin din ng LGU Laoac sa tulong ng MSWD ang mga poor and deserving family na mabibigyan ng regalo ngayong Pasko at magdagdag din dito ang lokal na pamahalaan para ibigay sa mga poorest of the poor.
“Marami pa ang dapat nilang asahan habang ako ang nakaupo na ama ng bayan ng Laoac. Gagamitin ko ang pondo sa talagang makikita ng mga tao at makatutulong sa kanila,” ani Balderas.
Ang kasiyahang ito ay hindi lamang nagtatapos sa Christmas lighting sapagkat pinaplano na rin ng lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng pa-raffle at iba pang aktibidad sa kanilang town fiesta.