PINANGUNAHAN ni AFP chief of staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro ang pagpapasinaya ng mga bagong gawang TIKAS Project sa loob ng AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Ang TIKAS o “Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad” ay bahagi ng pagsisikap ng Department of National Defense (DND) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang palakasin ang kakayahan sa depensa at seguridad ng militar.
Kabilang sa proyekto ay ang bagong-kumpuning De Jesus Academic Building at bagong-tayong Wellness Center ng Special Intelligence Training School (SITS).
May kabuuang sukat na 6,575 square meters ang mga pasilidad na binubuo ng mga opisina, conference room, silid-aralan, at library.
Ayon kay General Bacarro, ang mga bagong pasilidad ay magsisilbing sentro ng pag-aaral, professional growth, camaraderie at physical wellness para sa military at civilian intelligence practitioners.