Mga balita na may kaugnayan sa Coronavirus disease

Bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19 sa Pilipinas, umaabot na sa 52

UMAABOT na sa 52 ang bilang ng mga nagpositibo sa Coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.

Ito ay matapos maitala ng Department of Health ang karagdagang tatlong kaso na dinapuan ng virus.

Ayon sa DOH, dalawa sa mga ito ay residente ng Quezon City, habang inaalam pa kung saan nakatira ang isa.

Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na makiisa sa ginagawang contact tracing ng mga otoridad sa nakasalamuha ng mga positibong pasyente.

3 pang pasyente ng COVID-19, pumanaw na

KINUMPIRMA ng Department of Health na pumanaw na ang tatlo pang pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.

Ayon sa DOH, ang mga nasawing pasyente ay sina Patients number 5, 6 at 37.

Sina Patient 5, na 62-anyos at Patient 6, na 59-anyos, ay mag-asawa na mula sa Cainta at na-confine sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Si Patient 5 ay pumanaw nitong Huwebes ng umaga dahil sa acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia.

Habang si Patient 6 ay binawain ng buhay noong Miyerkules ng gabi dahil din sa acute respiratory distress syndrome dahil sa severe pneumonia.

Samantala si Patient 37 ay 88-anyos na babae na mula sa Pasig City, at mayroong hypertension at na-confine sa Philippine Heart Center.

Pumanaw naman siya nitong Huwebes ng hapon dahil sa acute respiratory illness.

Dahil dito, umakyat na sa lima ang nasawi sa COVID-19 sa Pilipinas kung saan apat ang Pilipino at isang Chinese.

COVID-19 alert, itinaas na ni Pangulong Duterte sa Code Red Sub-level 2

INANUNSYO ni Pangulong Rodrigo Duterte na itinaas na sa Code Red Sub-level 2 ang code alert system sa buong bansa kaugnay sa COVID-19.

Sa kaniyang public address kagabi sa Malakanyang, inaprubahan at binasa ni Pangulong Duterte ang resolusyong binuo ng Inter-Agency Task Force para makontrol ang pagkalat ng virus lalo sa Metro Manila.

Kabilang sa ipatutupad ang pagsuspinde ng mga biyahe papasok at palabas ng Metro Manila simula Marso 15 hanggang April 14, 2020.

Suspendido rin ang trabaho sa executive branch pero kinakailangang may matitirang skeletal force na magbibigay pa rin ng serbisyo sa publiko.

Habang hinihikayat din ang pribadong sektor na magkaroon ng flexible work arrangements.

Pinalawig din hanggang April 12 ang suspensyon ng klase sa lahat ng level sa Metro Manila.

Magpapatuloy naman ang mass public transport tulad ng LRT, MRT at PNR ngunit kailangan pa rin obserbahan ang social distancing.

 SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.