KINONDENA ng mga lider ng mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang namumunong junta sa Myanmar dahil sa patuloy na pag-atake sa mga nananawagan ng demokrasya sa bansa.
Sa isang statement na inilabas kasunod ng summit na isinagawa ng member states na wala ang Myanmar, nakasaad na mariing kinokondena ng mga lider ang patuloy na kaguluhan sa Myanmar at hinihikayat ang militar at lahat ng partido na tigilan na ang pag-atake sa mga sibilyan.
Ayon pa rito, ang kaguluhan sa Myanmar ay nakaapekto na rin sa regional stability lalo na sa border regions nito.
Ito ay kasunod ng pagdami ng refugees sa katabing mga bansa ng Myanmar.
Napagkasunduan din ng mga lider na ang Pilipinas ang magiging chairman ng regional body sa 2026 at hindi ang Myanmar dahil wala itong nagawang progreso sa pagpapatupad ng five-point consensus peace plan sa pagitan ng Myanmar at ASEAN member countries.
Matatandaan na ang ASEAN ay binubuo ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas Singapore, Thailand at Vietnam.
Ang chairmanship nito ay taon-taong umiikot base sa alphabetical order ng pangalan ng mga bansa na kasapi rito.