Mga barangay kapitan, pinatatanggalan ng kapangyarihan sa mga protected area

Mga barangay kapitan, pinatatanggalan ng kapangyarihan sa mga protected area

UPANG maiwasan ang paglapastangan ng protected areas ay pinatatanggalan ni Sen. Cynthia Villar ng kapangyarihan ang mga barangay kapitan dito.

“I don’t think the barangay captains understand the damage of what their going to pass at PAMB is disastrous to the protected area,” pahayag ni Sen. Cynthia Villar.

Ayon kay Villar, chairperson ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, puro mga barangay captain ang nag-aaprub ng clearance sa pagtatayo ng mga proyekto sa mga protected areas.

Sa pagdinig ng kaniyang komite sa Senado, lumutang na ito ang nangyari kung bakit nakalusot ang pagtatayo ng isang kontrobersiyal na resort sa Chocolate Hills sa Bohol na isang protected area.

Ang bawat barangay captain kasi ay miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB) na siyang naglalabas ng clearance para makakuha ng Environment Compliance Certificate (ECC) na siyang requirement para sa pagtatayo ng mga gusali.

“Imagine i-outvote ang senator, congressman, lahat ng DENR at saka lahat ng NGOs, kasi ang dami-dami nila. Like if its is 30,000 hectares, gaano karaming barangay captain ang kasali? outvoted! So ang masusunod is barangay captain,” ayon pa kay Villar.

Dagdag din ng senadora na sa kanilang lugar sa Las Piñas, ang iniimpluwensiyahan ng gusto umangkin ng lupa ay ang mga barangay chairman dahil sa madali silang lokohin dahil wala silang malay kung ano ang makabubuti o hindi sa kalikasan.

Dahil dito suportado aniya ng senadora ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na baguhin ang mga bumubuo sa PAMB upang mas bigyan ng kapangyarihan ang mas nakakaunawa sa kalikasan.

DENR tinawag na bantay-salakay sa mga protected areas

Kaugnay rito ay tinawag naman na bantay-salakay ni Sen. Raffy Tulfo ang DENR dahil sa pagtuturo sa ibang ahensiya.

Ipinunto ni Tulfo na kapag siya ay may gustong imbestigahan na mga illegal structures, laging ganito ang ginagawa sa kanila ng DENR, ang magturuan.

“But because of recent events, lumilitaw na ang DENR ay isang ahensya na matatawag kong bantay-salakay, turo-turo style.”

“Kapag kami po ay tumawag sa DENR para mag-usisa, mag-imbestiga tungkol sa mga illegal structures, paglapastangan sa kalikasan, nagtuturuan,” ayon kay Sen. Raffy Tulfo.

Inihalimbawa pa ni Tulfo ang Freedom Information Manual kung saan nakasaad na bawal sa DENR na magbigay ng impormasyon sa mga nag-apply ng ECC at mining permit.

Sa Digos Davao del Norte na kilala sa mining, 97 lamang ang nabigyan ng ECC ngunit mas marami aniya ang patuloy na nagpapatayo ng istraktura.

Sa Bohol, may isang shipyard aniya na sinira ang 19 na ektaryang mangrove trees para makapagpatayo ng shipyard.

Iginiit ni Tulfo na bawal sa batas ang pagputol ng mangrove trees kayat tanong ng senador kung bakit nakalusot ito sa DENR at bakit nabigyan ng ECC.

“Matagal na po kayong pabaya jan sa DENR, hanggang ngayon patuloy pa rin na pagiging pabaya. Lumilitaw tuloy na kayo ay protektor ng mga nagsisira ng kalikasan,” dagdag ni Tulfo.

Follow SMNI NEWS on Twitter