Mga barangay na apektado ng Bulkang Kanlaon, nadagdagan pa

Mga barangay na apektado ng Bulkang Kanlaon, nadagdagan pa

PATULOY pang nadaragdagan ang bilang ng mga indibidwal at lugar na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.

Base sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), as of 9:00 am, June 7 araw ng Biyernes, umabot na sa mahigit pitong libong pamilya o katumbas ng nasa mahigit 25 libong indibidwal ang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.

Habang nananatili naman sa dalawang rehiyon, dalawang probinsiya, anim na siyudad at munisipalidad ang apektado ngunit umakyat naman sa 23 barangay ang nakararanas ng hagupit ng Bulkang Kanlaon.

Sa ngayon ay patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong pamilya habang tulong-tulong naman ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pag-alalay sa mga residente.

Ayon kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army na tuluy-tuloy ang kanilang ginagawang monitoring at pagsasagawa ng rescue operation sa probinsiya ng Negros.

“Tuluy-tuloy ‘yung ating monitoring at ‘yung rescue operation doon sa Negros Province katuwang natin dito ‘yung 3rd Infantry Division particularly ‘yung mga infantry battalions … Mga LGUs natin at other national government agencies sa pag address nitong calamity,” ayon kay Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, PA.

Mga NPA sa Negros, binabantayan ng Philippine Army kasabay ng pag-aalburoto ng Kanlaon

Sinabi ni Col. Dema-ala na nakabantay rin sila sa mga galaw ng komunistang teroristang grupo na CPP-NPA sa lugar.

Paliwanag ng opisyal, tinitignan nila ang posibilidad na maaaring gamitin ng makakaliwang grupo ang naturang pangyayari na makapaghasik ng gulo at takot sa publiko.

“Yung ating responders doon sa calamity kumbaga hindi naman ito lahat ‘yung mga kasundaluhan natin is involve dun meron pa rin tayong mga tropa na naka-ready for to secure ‘yung peace and order para at least hindi tayo magle-lessen ‘yung ating security dahil binabantayan din natin itong mga kalaban natin itong makaliwang grupo kung sakaling i-take advantage nga nila itong ginagawa natin na disaster response so kumbaga nakaalerto pa rin ang ating mga kasundaluhan,” wika ni Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, PA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble