Mga benepisyaryo ng murang bigas ng DA, umapela: Ilapit sa mga barangay ang bentahan nito

Mga benepisyaryo ng murang bigas ng DA, umapela: Ilapit sa mga barangay ang bentahan nito

PARA maka-menos gastos sa pamasahe ay nilalakad na lamang ng mag-asawang Soriano ang Kadiwa store sa Department of Agriculture (DA).

Alas-singko ng umaga ay nasa Kadiwa na sila para makabili ng palumang bigas sa halagang P29/kg.

Yun nga lang – mapapagod at mananakit ang iyong katawan dahil sa ilang oras na pagtayo sa pila.

‘’Kapag malayo na siguro, pipilitin na lang namin na bumili ng bigas na commercial na medyo mahal. Kasi, medyo malayo sayang din, magta-taxi ka pamsahe mo rin,’’ ayon kay Sammy Soriano na mamimili.

Kahit hirap, tini-tiis na lamang ng senior citizen na si Tatay Ed Estrada ang pagpunta sa Kadiwa kahit malayo sa kanilang lugar.

‘’No choice eh, kung maghirap man ay pag tiyagaan na lang,’’ saad naman ni Ed Estrada.

Hindi na rin sumama para personal na makabili ng murang bigas ang asawa ni Aling Linda Delos Reyes.

Mahihirapan na raw ang kanyang asawang sumama lalo’t maglalakad lang sila dahil malayo ito sa kanilang bahay.

Bitbit ang authorization at ID ng kanyang asawa ay matiyagang naghintay si Linda na tawagin para makabili ng P29/kg na bigas.

Kung siya raw ang tatanungin, gusto sana niya na mas mailapit pa ng gobyerno ang tulong sa kanilang mga mahihirap.

‘’Mas gusto namin kung pagbibigyan nila bawat barangay na dapat mayroon. Mahalaga para hindi na kami pumipila sa mas malayo,’’ ani Linda Delos Reyes.

Hirit din niya – baka naman kaya pang ibaba sa P20/kg ang bigas na ibinibenta.

‘Yun nga lang, hindi na siya naniniwala sa pangako ni Pangulong Bongbong Marcos noong kampanya.

‘’Mas okay kung nasa bente sana ang kilo kaso lang hindi kayang maipatupad ng gobyerno,’’ dagdag nito.

Para naman kay Nanay Lilia Emano – malaking tulong daw ang pagkakaroon ng murang bigas sa DA.

Sa sobrang mahal na raw kasi ng bilihin pati sa bigas sa merkado hirap na pagkasyahin ang budget para sa pagkain.

‘’Malaking tipid lalo na kapag maraming pamilya. Dapat dagdagan kahit 5 kilos kasi noong una ay 5 kilos diba,’’ ani Lilia Emano.

Hindi na raw mahihirapan ang mga mamimili sa pamimili nila ng P29/kg na bigas dahil mas pinalawak pa raw ito ng DA.

Simula sa Biyernes, Hulyo 5 ay pormal nang ilulunsad ng ahensya ang P29 o “Program 29” sa 10 kadiwa site sa Metro Manila at Bulacan.

10 Kadiwa sites na magbebenta ng P29/kg na bigas:

BPI Malate:

(San Andres St., Brgy 706, Malate Manila)

BAI Dome:

(Visayas Avenue, Brgy. Vasra, QC)

NIA:

(NIA Parking lot, EDSA Diliman, QC)

FTI:

(Brgy. Western Bicutan, Taguig City)

PhilFIDA:

(PhilFIDA Compound, Aria St., Talon Dos, Las Piñas City)

Caloocan:

(Brgy. 167, Llano Road, Caloocan City)

Marikina:

(Brgy. Fortune Barangay Hall, Champaca St., Marikina City)

BFCT Marikina:

(#1 Marcos Higgway, BFCT, Marikina City)

Valenzuela:

(Disiplina Village, Ugong, Valenzuela City)

San Jose Del Monte, Bulacan

(Brgy. Minuyan Proper, San Jose Del Monte City)

‘’In the coming months we will be able to doubled the sites were the P29 rice selling will be held,’’ ayon kay Atty. Genevieve Velicaria- Guevarra Asec for Legislative Affairs & Consumer Protection Group, DA.

‘’Hopefully in the coming weeks or next month we can go to Visayas, Mindanao and ofcourse expanding in Luzon areas. Ano to, padagdag ng padagdag hanggang sa ma reach natin yung target natin na nationwide 6.9 million families,’’ saad ni Asec. Arnel De Mesa Spokesperson, DA.

Ibabalik na rin sa tig-5 kilong bigas ang mabibili ng mga 4Ps member, solo parents, may kapansanan at matatanda.

Sa mga susunod na araw din ay makakabili na rin ang hindi pasok sa vulnerable sector sa halagang P45/kg hanggang P48/kg na mas mura kaysa sa merkado.

Ito ay sa ilalim ng kanilang programang “Rice for All”.

Para maiwasan raw ang insidente o pabalik-balik sa pila ay magbibigay sa Agosto ng booklet ang DA.

‘’Ang booklet naman na ito ay lalagyan natin security measures, like may serial number siya, nakadikit siya ng specific person na nag-isyu, may ID siya ‘yan po ang naka-support sa kanya,’’ ani Atty. Guevarra.

Sa ngayon, 10,000 metriko toneladang bigas ang hawak ng DA na kayang magtagal sa loob ng anim na buwan.

‘’Nasa 300 sacks ang in-allocate natin per week per sites so thats around 100 sacks per day. Now, tag 50 kilos ito bale 500 beneficiaries a day. So, in a week thats Friday, Saturday and Sunday ang magiging operation nito. So, 1,500 beneficiaries per week so in a month that’s around 4,500 in a month,’’ saad nito.

Ayon sa ilang grupo ng magsasaka, band-aid solution lang daw ang P29 o murang bigas ng gobyerno para lang may maipakita sa nalalapit na SONA ni Marcos Jr.

‘’Itong programang ito ay matagal ng plano simula pa lang pumasok si Secretary upon the guidelines of the President. Planado na ito this is not only for the SONA, this will be a long term program,’’ ayon kay Asec. Arnel De Mesa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble