HALOS walong oras nang nakapila sa bus terminal sa Quezon City si Arnel na pauwi ng Sorsogon para doon magdiwang ng Pasko.
Ilang buwan din aniya siyang hindi nakauwi sa probinsiya dahil sa Metro Manila ito nagta-trabaho bilang isang construction worker.
Pero, umaga dapat ang kaniyang biyahe ngunit sa mga oras na ‘yan ay hindi pa siya nakakaalis—wala aniya siyang magawa dahil bayad na ang ticket.
“Hintay na lang talaga kasi wala na kaming choice, no choice na eh. (Mahaba-habang pasensya ang kailangan?) Oo, pasensya kasi, kung hindi ka magpapasensya baka wala masakyan kahit saan ka umikot wala na talaga, dito na lang masakyan namin kasi, fully booked na,” wika ni Arnel, Pasahero.
Paliwanag ni Maylene, ticketing officer sa naturang terminal, na-delay aniya kasi ang dating ng mga bus na pabalik ng Metro Manila dahil sa tindi ng trapik sa Ragay, Camarines Sur.
Ilang pangunahing kalsada kasi ang nasira sa mga nagdaang bagyo.
“Everytime na tatawagan namin ‘yung mga empleyado namin sinasabi nila na bigayan nga ganon ka tagal. Kumbaga tambak sa kabilang way kasi nga one way. Sa kabila naman ay bigayan minsan kaya lalong nagiging traffic kasi sasalubong may sisingit na sasakyan lalo nagiging traffic sa Bicol,” ayon kay Maylene Balanguit, Ticketing Officer.
May isang bus terminal din na fully booked na rin ang mga biyahe patungong Bicol Region, Bohol, Leyte at Samar.
Sabi ng ticketing officer na si Lisa Gonzales, kakaunti lang din ang mga bus nila na papunta ng probinsiya.
“Advance reservation din, wala na kaming available na slot, hindi naman puwede ipilit namin kasi kawawa naman din,” saad ni Lisa Gonzales, Ticketing Officer.
Ang pasaherong si Mika, maaga aniya nakabili ng ticket sa naturang terminal para hindi maubusan.
Kaya, excited na excited siyang makauwi ng Masbate para sa pagdiriwang ng pasko at Bagong Taon.
“Sobrang saya ko na makauwi ako ng Pasko, sa probinsya, magbo-bonding kami sobra para makapiling ko talaga sila,” ayon kay Mika Padilla, Pasahero.
Pero, hindi lahat mapalad na maka-book ng ticket nang maaga para makauwi ngayong holiday season.
Kaya si Revi na uuwi sa probinsiya tumungo na sa kaparehong bus terminal para bumili ng ticket pa Northern Samar.
Nais aniya kasi niyang makapiling ang pamilya sa pagsalubong ng Bagong Taon.
“Noong nakaraang taon mahirap talaga na hindi ka nagpapa-reserve lalo na punuan ‘yung bus eh. Kaya mag-aantay ka talaga kung saan ‘yung may slot,” wika ni Revi, Pasahero.
Ilang biyaheng pa-Norte sa Cubao Bus Terminal, matumal pa
Kung ang ilang biyahe ay halos fully booked na, iba naman ang sitwasyon sa ibang mga terminal lalo na sa kahabaan sa EDSA-Cubao.
Ang biyaheng pa-Norte na Baliwag Transit Terminal ay hindi gaanong ramdam ang mga pasahero.
“Sa ngayon, matumal pa talaga dahil kanina pa nga namin tinitingnan ang mga umaalis na bus at tsaka ‘yung interval matagal, kasi ang inaasahan ay bukas pa ‘yan or by Monday dahil karamihan sa mga pasahero natin ay may mga Christmas Party pa,” ayon kay Arnie Bernardo, OIC, Baliwag Transit, Inc.
Pero, makakaasa naman aniya ‘yung mga pasahero na uuwi patungong Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija ay sapat ang kanilang mga bus na palabas at pabalik ng Metro Manila.
Kaugnay niyan, may mga pasahero ding minabuti na umuwi na rin nang mas maaga at hindi na sumabay pa sa exodus o dagsa ng mga pasahero sa terminal.
Kagaya na lamang ng pamilya ni Argen Gaspar Tongco na pauwi ng Nueva Ecija.
“Kasi kung sa next day pa ay baka mas maraming tao eh may dalawa akong kids. So, mas nag-decide ako na ngayon na kasi para hindi na ako pumila. Sa biyahe kasi namin minsan walang reservation ng ticket so pipila ka talaga,” saad ni Argen Gaspar Tongco, Pasahero.
Samantala, ilang tauhan naman ng Land Transportation Office (LTO) ang nag-ikot sa mga bus terminal sa EDSA-Cubao.
Ito ay upang alamin ang sitwasyon ng mga pasahero na uuwi ng probinsiya maging ang kondisyon ng mga drayber at bus.
“’Yung mga sasakyan kung ito ba ay road worthy, rehistrado, ligtas bang sakyan ng mga mananakay. Isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng tao ay ang mga road accident, kaya iniingatan natin ‘yung mga mananakay na ligtas na makauwi,” wika ni Elmer Arellano, Team Leader, Diliman District, LTO.
Bukod diyan, pinaalalahanan din nila ang mga drayber na sumunod din sa mga batas trapiko upang maiwasan ang aksidente.
Ngayong buwan aniya kasi ay marami-rami ang mga napaulat na aksidente na kinasasangkutan ng mga bus.
Halimbawa aniya diyan ‘yung kamakailan lamang na karambola ng mga sasakyan sa bahagi ng Maynila at Parañaque.