Mga buntis, kabilang na sa priority groups para sa COVID-19 vaccination

Mga buntis, kabilang na sa priority groups para sa COVID-19 vaccination

ISINAMA na ng Department of Health (DOH) ang mga buntis sa priority groups para sa vaccination kontra COVID-19.

Sa isang pahayag, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na babaguhin nila ang kasalukuyang guidelines para mailagay na parte na ng expanded A3 group ang mga buntis.

Ayon kay Vergeire, base sa rekomendasyon ng kanilang mga eksperto ay ligtas ang COVID-19 vaccines sa mga nagdadalang-tao at mas inirerekomenda na magpaturok ng bakuna sa kanilang second o third trimester.

Maari naman aniya magpabakuna ang high risk pregnant women sa kanilang first trimester basta’t naipaliwanag sa mga ito ang benepisyo at mga panganib ng pagpapabakuna at mayroon medical clearance mula sa kanilang doktor.

Sinabi ni vergeire na ang Sputnik V COVID-19 vaccine lamang ang bakuna na hindi maaring iturok sa buntis.

Health professional na nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa bakuna, kinondena

Kinukondena ng Department of Health (DOH) ang mga health professional na nagpapakalat ng mga maling impormasyon hinggil sa bakuna na isa tinaguriang life-saving interventions sa gitna ng banta ng Delta variant infections.

Bukod pa rito, sinabi ng DOH na maraming ebidensya sa buong mundo na nagpapatunay na ang bakuna ay nakababawas ng bilang ng mga naoospital at namamatay.

Ayon pa rin sa DOH, bagama’t patuloy pa rin ang pagdami ng kaso ng covid-19, dumarami rin naman ang hindi na naoospital at namamatay na mga bakunado.

Tinawag din ng DOH na iresponsable ang isang media outlet na pumapayag na gamitin ito para ipakalat ang mga walang basehang impormasyon.

BASAHIN: Pediatrics at adolescent COVID-19 vaccination, posibleng bubuksan sa Setyembre o Oktubre

SMNI NEWS