INATASAN ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng chief of police na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga alkalde.
Ito ay para palakasin ang operasyon laban sa ilegal na droga.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP director for operations Police Major General Valeriano De Leon na ang hakbang ay upang matiyak na magkakaroon ng airtight cases na isasampa sa bawat anti-illegal drugs operation ng lokal na pulisya.
Nabatid na maraming kaso ng PNP ang nababasura dahil sa kakulangan o mahinang ebidensya.
Dahil dito, naniniwala si De Leon na kailangan nila ang tulong ng LGUs sa kanilang kampanya.
Iginiit pa ni De Leon na sisiguruhin nila na maging ligtas ang bawat daan at komunidad at maprotektahan ang mga kabataan na kalimitan ay nalululong sa ipinagbabawal na gamot.