MAAARING bumoto ang mga COVID-19 patients sa isolation polling places (IPPs) sa araw ng eleksyon ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Commissioner George Garcia.
Ani Garcia, maaaring bumoto ang mga COVID-19 patients hangga’t papayagan silang makaalis sa lugar kung saan sila naka-isolate.
Gayunman, umapila si Garcia sa mga COVID-19 patients at mga indibidwal na nakararanas ng sintomas sa araw ng eleksyon na magsuot ng facemask at face shield.
Matatandaang sinabi rin ni dating COMELEC Chairman Sherrif Abas na ang mga COVID-19 positive ay maaaring bumoto sa mga IPPs.
Samantala hinihimok ng COMELEC si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ideklara ang national elections sa Mayo 9 bilang special non-working holiday sa pamamagitan ng isang resolusyon.
Sa isang pulong balitaan, inanunsyo ni COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan na lumagda ang polling body ng Resolution No. 10784 na naglalaman ng hiling ng COMELEC sa Pangulo.
Ani Pangarungan, lumagda sila ng Resolution No. 10784 na naghihimok kay Pangulong Dutere na ideklara ang Mayo 9 bilang special non-working holiday sa buong bansa dahil sa national at local elections.
Nagsimula na ang local absentee voting para sa mga militar, kapulisan, government personnel at miyembro ng mga media na hindi makaboboto sa araw ng halalan.