INISA-isa ng Palasyo ang mga rason kung bakit nais ng Inter Agency Task Force na luwagan na sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang buong bansa simula sa buwan ng Marso.
Sa isang pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na unang una rito, sapat ang bed capacity o mga kama para sa mga pasyente ng COVID-19.
Pangalawa sa kadahilanan, ayon sa kalihim, matutuloy na ang pagbabakuna kung saan maaaring mauuna sa hanay ang economic frontliners at mga mahihirap kapag ito ay maaprubahan ng National Immunization Technical Advisory Group o NITAG batay sa resulta ng kanilang pulong ngayong araw.
Pangatlo naman, sabi ni Roque, ang factor na isina-alang-alang sa rekomendasyong MGCQ, ay upang tugunan ang dumaraming bilang ng mga nagugutom sa bansa.
“Dahil po rito at dahil nakita natin na nagpapatupad ang mga Pilipino ng mask, hugas, iwas, kaya po nagkaroon ng rekomendasyon na buksan na natin iyong nobenta’y singko porsiyento (95%) ng ating ekonomiya dahil napakadami po talagang nagugutom na,” pahayag ni Roque.
Pero sa kabila nito, kung sasabihin naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kailangan munang mabakunahan ng mga Pilipino bago tuluyang luwagan pa ang restriksyon, ay agad namang tatalima ang lahat sa utos ng punong ehekutibo.
“Pero kung sasabihin ng presidente….Andiyan na naman ang bakuna, hayaan na muna natin magbakuna – wala namang problema iyan ‘no because recommendatory lang po ang IATF at ang katotohanan siyempre po, mas mabuti talagang nandiyan ang bakuna. At dahil aprubado na nga po talaga ang Sinovac, ibig sabihin naririto na po mga Pilipino ang bakuna,” dagdag ni Roque.
Kung matatandaan, una nang inirekomenda ng National Economic Development Authority o NEDA na luwagan ang estado ng community quarantine sa Pilipinas sa MGCQ simula Marso.
Ang naturang rekomendasyon ay taliwas naman sa mungkahi ng OCTA Research Team.
Giit ng grupo, huwag munang ituloy ang pagluluwag ng quarantine status dahil sa pangamba na lalo pang tataas ang kaso ng COVID-19.
“Alam ninyo po, when we recommended in IATF MGCQ, that included even the health sector dahil tinitimbang ho natin mabuti. Totoo po puwedeng tumaas ang kaso pero ang katotohanan din, handa naman po tayo. Kaya nga po tayo nag-lockdown noong Marso, mag-iisang taon na, eh para nga ho mapa-improve iyong ating health sector nang sa ganoon magamot natin iyong mga magkakasakit,” tugon ni Roque.
Sa gitna ng magkakaibang pananaw ng Health experts at government officials sa mungkahing pagsasailaim sa buong Pilipinas sa MGCQ, naniniwala naman si Health Secretary Francisco Duque III na handa na ang bansa na mag-shift sa MGCQ.
Samantala, inihayag ng Palasyo na kasama sa agenda sa gagawing full cabinet meeting ngayong araw ay ang usapin patungkol sa mungkahing pag-shift sa MGCQ sa Pilipinas.
Pero sa kabila ng rekomendasyong MGCQ sa buong bansa, binigyang diin ni Secretary Roque na nasa kay Pangulong Duterte pa rin ang pinakapinal na desisyon dahil aniya, ultimately, re-commendatory lamang ang IATF.