NAGPAHAYAG ng pasasalamat ang dating kadre ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army–National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF) na si Jeffrey Ka Eric Celiz sa pagsuporta ni Presidential Son and Ilocos Norte First District Representative Sandro Marcos sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa isang Twitter post ni Rep. Marcos, isusulong aniya ang pagkakaroon ng mas mataas na pondo para sa NTF-ELCAC.
Ani Ka Eric, kasama ang mga dating rebelde, nagpapasalamat sila sa ganitong pahayag ng kongresista.
“Nagpapasalamat kaming mga dating rebelde, at mga dating kadre na nanggaling sa CPP-NPA-NDF at ngayon ay katuwang na ang pamahalaan sa pagpapalawak at pagpapalakas ng ating kampanya para durugin nang lubusan at tapusin ang problema sa CPP, sa ganitong pagpapahayag ni Cong. Sandro Marcos,” ayon kay Ka Eric.
“Dalawang bagay ang binanggit ni Sandro Marcos, sabi niya magpapatuloy ito at instead palalakihin pa dapat ang budget component to the implementation of NTF-ELCAC,” dagdag ng dating kadre.
Samantala, muling nagpahayag si Ka Eric laban sa mga makakaliwang grupo partikular sa mga nakapasok sa pamahalaan.
“Do not celebrate yet…Teddy Casiño, Raoul Manuel, all…all of the urban operatives na nagbubunyi na akala nila maloloko nila ang bagong pamahalaan at mailulusot na mabuwag ang NTF-ELCAC with the very re assuring public message made by Cong. Sandro Marcos kahapon, this is a welcome development. Para sa mga taumbayan at sa buong sambayanang Pilipino hindi lang kami na mga dating rebelde at dating kadre na nanggaling sa CPP-NPA-NDF, kundi lahat ng mamamayang Pilipino na umaasa na darating sa ating bayan ang tunay na kapayapaan at demokrasyang matatag laban sa mapangwasak na ginagawa ng CPP-NPA-NDF,” ayon pa kay Ka Eric.
Ang NTF-ELCAC ang isa mga itinuring na legasiya ng Duterte administration sa pagsugpo sa insurhensiya sa bansa.
Sa pinakahuling tala, mula A-1 ng buwan ng Hulyo taong 2016 hanggang Mayo 31, 2022, nakapagtala ng 28,495 bilang ng mga rebeldeng sumuko sa pamahalaan dahil na rin sa tulong ng NTF-ELCAC.
Ito na ang pinakamalaking bilang ng mga rebeldeng sumuko sa gobyerno sa kasaysayan ng bansa.